TULAD ng sinumang mapagmahal sa mga magulang – lalo na sa ating mga ama – hindi ko makakaligtaan ang paminsan-minsang pagdakila sa kanila. Bilang bahagi ng paminsan-minsang ding pag-iwas sa mga isyung pampulitika, nais kong batiin si Tatay Rico sa kanyang kaarawan ngayon bagama’t siya ay matagal nang sumakabilang-buhay sa edad na 96. Dec. 10, 1910 nang siya ay ipinanganak – isinilang na isang magsasaka at yumao na isang magsasaka.

Hindi siya maituturing na isang henyo, subalit kahanga-hanga ang kanyang mga kaalaman sa maraming larangan ng pakikipagsapalaran; malalim ang kanyang lohika sa pagpapaliwanag ng mga gintong-aral at sa mga sinaunang pamamaraan ng agrikultura. Habang namamahinga pagkatapos ng maghapong pagbubungkal ng bukirin, halimbawa, binubuklat niya ang lagi niyang kaulayaw na mga Banal na Aklat.

Isang kawikaan ang madalas niyang ibahagi sa akin: Dapat kang laging nakayapak sa lupa. Huwag mapagmalabis at maging mapagpakumbaba sa lahat ng pagkakataon. Huwag kalilimutan ang sinumang makakasalubong mo sa iyong pag-akyat sapagkat sila rin ang makakasalubong mo sa iyong pagbaba. Ang nasabing mga aral ay tumatalab pa kaya sa kasalukuyang henerasyon?

Ang naturang mga gintong-butil, wika nga, ay natitiyak kong hinango rin ng aking ama sa mga Banal na Aklat. Dalawang bersyon ng Bibliya ang kanyang laging binubuklat: King James at Douay versions.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Isa pang tagubilin ng aking ama ang nakatanim sa aking utak hanggang ngayon: Iwasan ang paghihiganti. Sa kabila ng matinding kalupitan ng tadhana at kaapihan na nalasap ng aming pamilya dahil sa malagim na pagpatay sa aming kapatid, buong hinahon at paulit-ulit niyang sinasabi na ipaubaya na lamang namin sa Diyos ang lahat. Ang aming kapatid na si Rogelio – ang pinakabatang Alkalde ng aming bayan noong kanyang kapanahunan, kasama ang tatlong iba pa ay pinaslang sa mismong munisipyo ng Zaragoza, Nueva Ecija maraming taon na ang nakalilipas. Tama ang aming ama sapagkat sabi ng Panginoon: Vengeance is Mine o Akin ang paghihiganti.

Bago namatay ang aming ama, maraming taon siyang bulag o total blind dahil sa glaucoma. Ang ganitong kalagayan niya ang laging sumasagi sa aking kamalayan. Apektado rin ng gayong eye disease ang aking dalawang mata at, tulad ng ipinahiwatig ng isang ophthalmologist, maaari itong humantong sa dahan-dahang pagkabulag.

Ito kaya ay bahagi rin ng pamana ng isang ama? Sana naman ay hindi. (Celo Lagmay)