MALAKING bagay para sa seguridad sa Metro Manila ang pagkakatuklas sa isang improvised explosive device (IED) sa isang basurahan sa ‘di kalayuan sa U.S. Embassy sa Roxas Blvd., na naging sanhi ng magkakasunod na pag-aresto sa tatlong miyembro ng isang teroristang grupo na umaming may planong maghasik ng lagim sa Maynila.
Hindi ko na muna pipintahan ng anumang kulay ang magandang trabahong ito ng mga operatiba ng Manila Police Department (MPD)—kahit na medyo may pagdududa ako kung sasabog nga ang naturang IED na ang triggering device ay isang dual sim na cellular phone—at sa halip, ay bibigyan ko ng pansin at papuri ang mga operatibang ito na buong tapang na hinarap ang panganib kahit na kulang sa makabagong gamit.
Ang IED ay unang napansin ni Ely Garcia, street sweeper ng Department of Public Works & Highways (DPWH), sa isang basurahan habang nagwawalis sa ‘di kalayuan sa U.S. Embassy sa may Roxas Blvd. Ang kahina-hinalang package ay may nakasalabid pang mga electrical wire. Agad niyang inalerto ang mga pulis sa may U.S. Embassy na siya namang tumawag agad sa mga operatiba ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) habang todo-bantay sila sa basurahan.
Sugod agad ang 13 operatiba ng EOD sa US Embassy. Kani-kanyang puwesto mula sa lugar na abot-tanaw lang nila ang basurahan, handa sa anumang mangyayari. Ang target naman nina PO2 Aldrin Resos at ka-body niyang si EDD Jenny ay ang basurahan. Sinuyod ni EDD Jenny ang laman ng basurahan, inamuy-amoy pa niya bago umupo, hudyat na positibong may bomba sa loob nito.
Dito naman nagpakitang-gilas si SPO3 Christopher Milan, na mistulang robot sa suot niyang anti-bomb suit— maingat niyang inilabas mula sa basurahan ang IED na binubuo ng 81mm mortar shell na ibinalot sa diaper at nakapatong sa isang maliit na bilao. Kontroladong pinasabog ni SPO3 Milan ang IED habang patuloy naman sa pag-paneling sa buong lugar sina Resos at Jenny para makasigurong wala nang iba pang IED sa paligid.
Komendasyon ang agad na... ibinigay ng pamunuan ng MPD sa mga matatapang na operatibang ito ng EOD maliban kay JENNY – ay siya nga pala, si JENNY ay isang EDD o Explosive Detection Dog—kaya kahit na walang komendasyon ay ok lang sa kanya, basta tambakan lang siya ng paborito niyang dog food na regular namang inihahain ng handler/ka-body niyang si PO2 Resos.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)