Kasalukuyang nagpapagaling ang isang lalaki na nagpanggap na ahente ng dalawang telecommunication company, makaraang makipaghabulan sa mga pulis sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.

Ayon kay Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, ginagamot sa ospital si Roy Galang, 37, ng No. 1122 Quericada Extension, Tondo, Maynila, matapos mabaril sa kanang binti ni PO1 Mark Joseph Tiu, nakadestino sa Police Community Precinct (PCP) 2.

Ayon kina SPO1 Felix Viernes at PO2 Regor Germidia, dakong 8:30 ng umaga, sakay sa kanyang motorsiklo si PO1 Tiu at binabaybay ang Gen. T. de Leon road nang mapansin ang suspek na lulan naman sa motorsiklong walang plaka.

Namukhaan umano ni Tiu si Galang dahil may litrato ito sa PCP 2 matapos ireklamo ng kanyang mga nabiktima.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

Pinahinto ni Tiu ang suspek ngunit sa halip na sumunod ay lumiko ito patungong Abalos Bukid, Gen. T. de Leon hanggang sa sila’y magkahabulan at tuluyang makorner.

Pinasusuko nang matiwasay ang suspek, ngunit bumunot umano ito ng patalim at aktong susugurin ang pulis dahilan upang barilin ito sa binti.

Ayon kay SPO1 Viernes, modus-operandi ni Galang na magsuot ng uniporme ng Globe at PLDT at nag-aalok ng Internet connection sa bahay-bahay.

Kasong theft at attempted homicide ang kinakaharap ng suspek. (Orly L. Barcala)