NAMATAY na si Tomas Tuazon, ang main contravida character na kinamumuhian nang husto sa FPJ’s Ang Probinsyano na ginagampanan ni Albert Martinez nitong nakaraang Miyerkules ng gabi at si Cardo (Coco Martin) ang nakapatay sa kanya sa pamamagitan ng pagtulak sa nakausling bakal sa kulungan.
Nakita ng anak ni Tomas na si Joaquin (Arjo Atayde) ang pangyayari kaya lalo pang kumulo ang galit niya kay Cardo at sumumpang ipaghihiganti ang ama.
Ngayong nategi na si Tomas, siguradong si Joaquin na ang magiging main contravida sa Probinsyano.
Bilang ordinaryong manonood, nagtatanong kami kung naririnig ba ni Joaquin ang sinasabi niyang igaganti ang ama sa sinapit nito sa kamay ni Cardo.
E, ‘yung ginawa niya kay Ador na kakambal ni Cardo na hindi pa alam na siya ang pumatay? Hindi ba’t dapat ay ang kakambal ng mistah ang maghiganti sa kanya?
Napaka-effective ng pagganap ni Arjo para maipakita ang kasamaan sa Ang Probinsyano dahil napakarami ring nagagalit kay Joaquin.
Lubos na nauunawaan ng aktor ang mga tumutuligsa sa kanya kapag nasa out of town show o personal appearance siya at sa halip na mabahala, natatawa siya dahil nangangahulugang napapangatawanan niya to the maximum level ang pagiging kontrabida niya.
Katulad nitong nakaraang Linggo nang maimbitahan sila ng kanyang kapatid na si Ria Atayde sa McDonalds Fun Run sa Cebu IT Park, habang nakatalikod ang aktor ay biglang may sumapok sa likod niya. Malakas ang hampas dahil ininda niya ang sakit.
Paglingon ni Arjo, isang matanda ang sumapok at sinabihan siya ng, ‘Ang sama-sama mo, Joaquin! Grabe ang sama mo!’
sabay hawak ng mahigpit sa braso niya at pinanggigilan siya.
“’Ma, natawa ako nu’ng makita ko na senior na at sinabi nga na ang sama ko as Joaquin, naisip ko agad ‘yung role ko,” kuwento ng aktor sa nanay niyang si Sylvia Sanchez. “Pero ang sakit talaga ng likod ko, siguro kung hindi senior ‘yung gumawa, baka kung ano’ng ginawa ko kasi nagulat ako, sobrang lakas.”
Samantala, maraming out of the country shows na dapat ay kasama si Arjo pero hindi siya makaalis dahil araw-araw ang taping niya ng Ang Probinsyano dahil inuuna ang mga eksena niyang wala si Coco na nag-show naman sa ibang bansa.