MALAKING tandang pananong ang angkop na bantas sa titulo. Mula sa aking mga kaibigan sa Palasyo, si Bise Presidente Leni Robredo ay talagang “endo” na ang kontrata sa Pamahalaang Duterte. Kaya ang pagre-resign niya ay “too late chocolate”, ayon sa madlang pipol. Siyempre ginagawang MMK (Maalaala Mo Kaya) na mala-drama at makabagbag-damdamin ang paglisan nito, batay sa script na matulungin sa mahihirap at walang tirahan.
May anggulong pilit itinutulak ang isang noon pang maka-dilaw na dambuhalang media ang pamamaalam ni Robredo. Kung ang Amerika ay may CNN TV network na binansagang “Clinton News Network” dahil sa halatang kontra kay Donald Trump, meron din tayong ganyan dito sa bansa.
Dapat kasi noon pa, hindi na tinanggap ni Robredo ang alok na maging Kalihim sa gabinete ni Pangulong Digong. Saan ka ba naman lalagay niyan na ibang partido ang unang kinatigan sa kampanya?
Ang liderato ni Mar Roxas ang sinuportahan. Ang “Tuwid na Daan” at si PNoy ang itinaguyod na kulay.
Subalit pagkatapos ng halalan ay mistulang “Maria Clara” na handang isantabi ang lahat ng “nilalakong prinsipyo” sa ngalan ng serbisyo-publiko? Ganon lang ‘yun? ‘Di ba maaari naman manilbihan sa ibang paraan?
At saka Pangalawang Pangulo ka pa naman din. Wika nga ng mga taga-Malacañang, pinagbigyan siya ng Pangulo, at kahit katunggali sa pulitika, inalukan ng posisyon.
Salamat din pala sa walang-humpay na pag-uudyok ng nasabing media sa kanilang mga patutsada noon. Tapos ang isusukli lang sa unang pagkakataon nang isinama sa pamilya ng Presidente ay sariling sagwan sa mga isyu at bibig na handang magpa-press interview.
Binabanatan si Duterte patungkol sa: Extrajudicial killings, human rights violations, kontra sa paglibing kay Marcos sa Libinggan, Pananalita tungkol sa women’s rights, kontra sa death penalty, pagbalik sa dating gulang ng mga batang kriminal.
Wika ng mga nasa gabinete, “Umayaos ka, Leni”. Mahaba ang pisi ni Presidente Duterte, subalit parang oposisyon ang tinuran ng dapat (sa sariling salita ni Robredo) ay “Alter ego na may full trust and confidence ng president” ng mga cabinet member. Siniko, sinalya, at pinatid nito sa simula pa si Digong.
Pati mga anak sa Facebook noon pa ay Kontra-Digong. Tumpak lang na “Out of the kulambo” na si Robredo. (Erik Espina)