Iginiit ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na kailangan na magkaroon ng bagong naturalized player para mas mapalakas ang kampanya ng bansa na tuluyang makaabot sa pedestal ng international basketball scene.

Dahil walang kasiguruhan sa patuloy na paglalaro ng naturalized center na si Andray Blatche para sa Gilas sa mga susunod na international competition, sinabi ni Reyes na maghahanap ang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) ng player na sasailalim sa naturalization program ng bansa.

Mismong si Reyes ang nagsabi na naghahanap siya ng bagong magiging naturalized player ng Gilas para sa mga darating na FIBA campaign ng pambansang koponan.

Ang nasabing paghahanap ng bagong naturalized player ay suportado ng pamunuan ng SBP.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

“We want to find one or two pretty young seven-footers,” ayon kay Reyes.

Sa bagong set-up ng FIBA, pinapayagan ang national team ng isang bansa na magkaroon ng dalawang naturalized players sa kanilang 24-man pool,ngunit isa lamang ang puwedeng palaruin.

Ayon kay SBP president Al Panlilio, posible kasing magkaproblema kay Blatche dahil sa mga naunang commitment nito sa CBA at planong pagbalik sa NBA .

Inihayag din ni Panlilio na inatasan na nila ang coaching staff ng Gilas na simulan na ang paghahanap para sa maagang paghahanda ng Gilas na unang sasabak sa SEABA Championship sa Marso ng susunod na taon. (Marivic Awitan)