MATATAPOS na ang deadline na ibinigay ni Pangulong Duterte hinggil sa paglansag ng mga illegal fish pen sa Laguna de Bay. Sa kanyang utos sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), natatandaan ko na ipinahiwatig ng Pangulo na nais niyang ganap nang nabaklas ang mga ilegal na baklad at iba pang istruktura sa naturang lawa sa ikalawang linggo ng buwang ito.

Nakapanggagalaiti na hanggang ngayon ay iniulat na naglipana pa rin ang naturang mga ilegal na baklad sa 911-square kilometer na Laguna de Bay. Mistulang hindi tumatalab ang utos ng Pangulo.

Magugunita na ang nasabing direktiba ay ikinagalak ng iba’t ibang sektor ng taumbayan, lalo na ng mga mangingisda na sa lawa lamang kumukuha ng ikinabubuhay; kabilang na rito ang mga environmentalist na mapagmahal sa kalikasan. Nais nilang mailigtas ang nasabing lawa sa ganap na pagkasira at maibalik ito sa tunay na ganda at kalinisan.

Bahagi rin ito ng naunang ultimatum ng Pangulo na nakalundo sa paglipol ng mga pagsasamantala at katiwalian sa nabanggit na makasaysayang lawa. Pinamumugaran din iyon ng sinasabing mga gahamang negosyante na matagal nang namamayagpag at nakikinabang sa mga isda at iba pang yamang-lawa.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Hindi ko malilimutan ang laging ipinahihiwatig ng Pangulo: “The fish pens are owned by big politicians — governors and mayors — and police and army generals.” Idagdag pa rito ang malalaking negosyante at mga dayuhan na gumagamit ng mga ‘dummy’. Ang mga ito ay hindi man lamang natinag noong nakalipas na mga administrasyon at nagpatuloy sa kanilang masakim na nagnenegosyo sa kapinsalaan ng maliliit na mangingisda at ng kanilang mga mahal sa buhay.

Masyadong malaking pinsala ang nililikha ng mga illegal fish pen at iba pang illegal structure sa nasabing lawa.

Dahilan ito ng pagbaha hindi lamang.... sa baybay-lawa kundi maging sa mga kalapit na bayan; kung minsan, nagiging sanhi pa ito ng panganib sa buhay at ari-arian.

Dapat ding pagtuunan ng utos ng Pangulo ang mga pabrika na nagbubuga ng dumi at iba pang nakalalasong basura sa lawa; dapat silang obligahing maglagay ng waste water treatment upang manatiling malinis ang tubig na languyan ng ating mga isda.

Sa pagtatapos ng ultimatum at sa tindi ng kamandag ng marching order ng Pangulo, wala akong makitang dahilan upang hindi malansag ang lahat ng illegal fish pens sa Laguna de Bay. Kung hindi, talagang hindi tumalab ang utos ng Pangulo. (Celo Lagmay)