kris1-copy-copy

HINDI kaagad nakasagot si Kris Aquino nang tanungin tungkol sa date nila ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa Chillis Restaurant kamakailan.

Walang ipinost sa social media si Kris tungkol sa date nila ni Bistek kaya nagulat siya sa tanong nang makausap namin siya sa movie date nila ni Vice Ganda kasama sina Joshua at Bimby sa monster hit na The Super Parental Guardians sa Trinoma Cinema 2 nitong Lunes ng hapon.

Lumipas ang tila napakahabang sampung segundo bago nakapagsalita ang Queen of All Media.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“Grabe, namumula tuloy ako,” naibulalas ni Kris. “Bakit sa APT (Entertainment) hindi ako tinatanong ng ganyan? Bakit sa ABS (CBN) may ganito kaagad? Nagkamustahan kami, yes! I think we’re friends.”

“Sino ‘yan? Sino ‘yan?” hirit naman ni Vice na katabi niya.

“’Yung Mayor dito (Quezon City),” sagot ni Kris, sabay make-face ni Vice Ganda na tila nanunukso.

“Hayaan mo, nagtatanong sila, eh,” say naman ni Kris sa BFF niya.

Pagkatapos magkumustahan nina Kris at Herbert?

“We’re friends, yes. I think we are friends, I think we will remain friends for the rest of our lives,” tipid na sagot ng mommy nina Josh at Bimby.

Handa na bang muling magmahal si Kris?

“No!” mabilis niyang sagot. “Kasi ang dami kong nire-rebuild, so uunahin ko muna ‘yun. Unahin ko muna ‘yung trabaho, maraming parating at papasok kaya I should be at my best and one hundred percent focus doon ‘tapos ‘pag matatag na ‘yun, doon siguro puwede.”

Slim and sexy ngayon si Kris at sadya raw siyang nagda-diet.

“May shoot kasi ako bukas (kahapon) na food kaya gulay lang ang kinakain ko ngayon. Pinanindigan ko talagang pumayat kasi hindi naman puwedeng si Vice lang ang pinag-aagawan ng boys,” tumawang sabi niya.

Samantala, ginulat nina Vice at Kris ang mga manonood ng SPG sa Cinema 2 na inakala naming block screening, pero hindi pala kundi regular run at sa oras na 4 PM ay nasa kalahati ang tao.

Nangako kasi si Kris na manonood siya ng The Super Parental Guardians kasama sina Bimby, Josh at Vice kaya tinawagan daw niya ang Unkabogable Phenomenal Star kung kailan libre ang oras nito at sinabi nga na noong Lunes pagkatapos ng It’s Showtime.

“Ginawan ko talaga ng paraan na kasi sinabi mo na today ka free dahil today mo puwedeng subaybayan ang pagnood ni Bimb. Kasi sabi niya (Vice) marami siyang kailangang i-explain. Okay we are free today. Kaya we’re going to watch and enjoy and congratulations Coco (Martin),” kuwento ni Kris.

Sabi naman ni Vice, “Eh, kasi baka tanungin na naman ako nu’ng bata ‘tapos nganga na naman ako, kaya dito na lang siya (kasama si Kris) at kapag may hindi siya naintindihan, ‘ask your mom.’”

Sa ground floor nagmula sina Vice at Kris kaya naman mahaba-haba ang nilakad nila kaya nagbiro ang huli ng, “Inaaway ko talaga siya nu’ng paakyat, sabi ko, ‘nagpasiklab ka talaga sa akin, lahat ng marshalls dala mo. Pinaramdam mo talaga sa akin kung ano ‘yung iniwan ko,” natatawang kuwento ni Tetay.

“Para kang sira!” ganti ni Vice.

“Ewan ko sa ‘yo,” hirit naman ni Kris, at binalingan ang ABS-CBN staff, “‘tapos lahat kayo full force, talagang ‘pinaparamdam n’yo sa akin.”

“‘Pinaparamdam ko talaga kung ano ‘yung nami-miss niya,” sabi ni Vice.

Magkakatrabaho pa ba sila?

“Maraming chance, bakit hindi?” sagot kaagad ng SPG star.

“Ako nga feeling ko at some point, siya at si Vic puwedeng magkatrabaho, eh,” hirit ni Kris. “Let’s look forward to that, why not? At saka pinayagan naman ako ni Mr. T (Tony Tuviera) to be here right now at dala ko rin ang crew ko, so ganu’n. That’s friendship, that’s love.”

“Yeah, that’s love and that’s real,” mabilis na sang-ayon ni Vice. (REGGEE BONOAN)