NASA Eastwood City Mall kami noong Biyernes ng gabi at kinumpirma ng takilyera na napakalakas ngang talaga ng The Super Parental Guardians at sa katunayan ay tinalo nito ang Moana (Disney movie) at Underworld Blood Wars ni Kate Beckinsale bagamat pareho namang tinao.

Hindi namin papangalanan ang aktor na may kasamang kaibigan na manonood daw ng Enteng Kabisote 10 and The Abangers sa opening day na sobrang lungkot nang malamang mas malakas ang pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin kasama sina Pepe Herrera, Awra at Onyok.

“Nalungkot nga po siya,” kuwento ng takilyera, “parang nagtataka. Sabi naman namin, puro matatanda at binatilyo’t dalagita ang nanood ng SPG, wala pang gaanong bata. Baka bukas (kahapon, Sabado) pa ang mga bata sa Enteng.”

Kung naka-P75M ang The Super Parental Guardians noong unang araw ay nakakuha naman ng P15M ang Enteng ni Vic Sotto.

Tsika at Intriga

Ice Seguerra, umapela sa NAIA Terminal 1 matapos mawalan ng items sa bagahe

Anyway, iisa ang komentong narinig namin habang nanonood kami ng SPG, “Hindi kaya mahawa na si Onyok kay Awra sa kabaklaan? Kasi tingnan mo, kumekendeng na rin.”

Napalingon kami sa mga nagsabi at pawang may mga edad na, gusto sana naming sumagot ng, ‘Hindi naman po sakit ang pagiging bakla kaya bakit mahahawa si Onyok?’

Tawa nang tawa ang lahat sa eksenang sumasayaw si Awra at tinuturuan si Onyok na matigas ang katawan pero sige lang nang sige. Na-curious tuloy kami kung nakailang takes ang huli at kung hindi ba siya nailang.

Mabuti na lang at ibinigay ang credit na kina Vice Ganda at Coco Martin ang istorya ng SPG dahil ideya talaga nila ito.

Inisip nga namin na baka sinunod na lang ni Direk Joyce Bernal ang lahat ng gustong mangyari ng dalawang bida dahil natatandaan namin na sinabi niya pagkatapos sa presscon ng ng SPG na, “Kung gagawa kami ng pelikula ulit ni Vice, sabi ko sa kanya, pag-aralan niya ang karakter, hindi ‘yung Vice na Vice.’

Tatak Coco naman ang mga eksenang ginawa niya at talagang action star ang dating lalo na sa opening ng pelikula, hindi mo aakalaing babae ang direktor at ang gaganda ng shots gamit ang camera drone.

Hindi na kami magkukuwento dahil ayaw naming i-preempt at totoo nga, magkaiba ang humor ni Direk Joyce at ni Direk Wenn Deramas (SLN). (Reggee Bonoan)