Patay ang isang kargador makaraang makuryente at mahulog mula sa alulod habang tinatanggal ang jumper na nakakabit sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Arnolfo Labongray, 42, ng Road 10, Pier 18, Vitas, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:00 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa mismong bahay ng biktima.
Ayon sa kinakasama ng biktima na si Josefa Daquipil, kagigising lang ng biktima nang maisipan nitong umakyat sa bubong ng kanilang bahay para tanggalin ang ilegal na linya ng kuryente na nakakonekta sa kanilang bahay.
Gayunman, minalas na makuryente ang biktima at nahulog mula sa alulod ng bahay.
Kaagad naman itong isinugod ospital ng kanyang asawa at mga kapitbahay ngunit patay na ito. (Mary Ann Santiago)