nora-copy-copy

APAT na taon na ang nakararaan simula nang huling pumasok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pelikula ni Nora Aunor (Thy Womb) na nagbigay sa kanya ng ikapitong Best Actress sa all-Pinoy film festival excluding the Best Performer award in 1978 para sa Atsay na idinirihe ni Eddie Garcia.

Ngayong taon, pasok sa Magic 8 ng MMFF 2016 ang Kabisera at masaya ang superstar para sa kanyang dalawang direktor na sina Arturo “Boy” San Agustin at Real Florido, producer na si RJ Agustin at mga kasamahan sa pelikula na sina Ricky Davao, JC de Vera, Jayson Abalos, Victor Neri, Perla Bautista at maraming iba pa.

“Unang-una, gusto kong magpasalamat sa aking producer na si RJ sa pagkakakuha sa akin dito,” simulang sabi ni La Aunor nang makausap namin sa MMFF 2016 Countdown event sa Skydome ng SM North. “Sabi ko nga, nu’ng huli kaming magkita, sabi niya, ‘Ate Guy, gawa tayo ng pelikula’ at tinupad niya na igawa nga ako ng pelikula. Heto nga, pumili sila ng isang napakagandang materyal para sa paggawa ko ng pelikula at nagpapasalamat ako sa Diyos na ito ay napasali sa Metro Manila Film Festival.”

Mga Pagdiriwang

Philippine Book Festival, sinimulan na!

Tungkol sa isang pamilya ang pelikula at manghihinayang daw si Ate Guy kapag hindi ito napanood ng mga tao lalo na ng kabataan.

“Kapag napanood ninyo ang pelikula, kayo na lang humusga. At sana panoorin nila ito lalo na ‘yung mga kabataan sapagkat tungkol nga ito sa isang pamilya... kung ano ang kahihinatnan ng isang pamilyang napakasaya at mauuwi sa isang trahedya. Hanggang doon na lang ako,” kuwento ng Bicolana actress.

Isinumite ang script ng Kabisera last year pero hindi lumusot sa screening committee. Sa pagpapalit ng komite at ng MMFF rules this year, pinalad na nagustuhan ito ng mga hurado.

“Actually, last year lang dapat kasama itong pelikula pero hindi nila isinama ‘yung pelikula namin, so malaki ‘yung pasasalamat ko na ngayon lang ito napasali. Siguro kagustuhan na rin ni Lord na ngayong taon na ito mapasama. Para mas maganda siguro ang kahihinatnan ng pelikula,” lahad ng multi award-winning actress.

Marami ang nagsasabi na malakas uli ang laban niya sa Best Actress sa darating na awards night.

“Ay, hindi,” mabilis na pagsalungat ni Nora. “’Wag nating sabihin ‘yan kasi hindi pa natin napapanood ‘yung iba pang mga pelikulang kasali at hindi lang iisa o dalawang artista ang magaling. Lahat ng leading actors ay magaling talaga.

Depende lang ‘yan sa ibinigay na roles sa kanila. Doon lang magkakatalo siguro. Nagkataon lang na mabigat -- hindi naman mabigat -- kundi napakaganda talaga nu’ng role na ibinigay at napunta sa akin.”

Itinuturing ng marami na si Nora ang reyna ng MMFF dahil sa loob ng halos 42 years ng festival, tumanggap na siya ng 15 nominations, at naiuwi ang walong karangalan bilang Best Actress.

“Hindi,” mahigpit na pagtutol niya. “Sabihin na lang nating ganito na kapag gumawa ako ng isang pelikula hindi ko naman iniisip na aktres-aktres, hindi. Hindi, eh, hindi. Ang sa akin ‘yung kabuuan ng paggawa ng pelikula. Kung gaano kaganda ang pagkakagawa ng isang pelikula. Sabi ko nga kanina, maraming magagaling na artista na kasali diyan na puwedeng sila ang maging Best Actress.

“Maraming artista na mas magaling sa akin. Nagkataon lang na ‘yung mga role na napupunta sa akin ibang klase. Kaya ang nangyayari, napapasama sa ibang festival sa abroad katulad ng Thy Womb na nasali sa Venice. ‘Yung ganu’ng klase dahil maganda talaga ‘yung role na ibinigay sa akin. Ngayon hindi natin alam kung ano ‘yung mga role ng ibang mga aktres na kasama sa ibang mga pelikula sa festival.” (LITO MAÑAGO)