“Sa mga nagmamahal sa’kin, iiwan ko kayo ng hindi nagpapaalam, patawad sa mga nasaktan ko.”

Ito ang nakasaad sa suicide note ng isang 51-anyos na lalaki na pinaniniwalaang nagpakamatay sa loob ng isang hotel sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Sa ulat ni SPO1 Joseph Kabigting, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:40 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Patrick Auto, ng 1120 Casanas Street, Sampaloc, sa tinutuluyan niyang kuwarto sa isang hotel na matatagpuan sa Dimson Building, 657 Rizal Avenue, Sta. Cruz.

Ayon sa supervisor ng hotel, na siyang nakadiskubre sa bangkay, dakong 7:14 ng gabi nang mag-isang mag-checked-in sa hotel ang biktima at inokupa ang isang kuwarto.

National

LPA sa labas ng PAR, ganap nang bagyo

Dalawampung minuto bago ang kanyang check-out time ay tinawagan umano ng cashier ng hotel ang biktima upang ipaalam na malapit na ang oras ng kanyang paglabas, ngunit hindi umano ito sumasagot.

Dahil dito ay agad ipinaalam sa supervisor ng hotel na hindi sinasagot ni Auto ang telepono dahilan upang puntahan ang biktima sa kanyang kuwarto at binuksan ang pinto gamit ang duplicate key.

Dito na bumulaga ang bangkay ng biktima at agad itong ipinaalam sa manager ng hotel.

Ayon kay Kabigting, posible umanong uminom ng lason ang biktima matapos masilayan sa tabi ng bangkay ang isang plastic na may lamang crystalline substance, pinaniniwalaang ‘oxalic acid’, ngunit kinukumpirma pa ito.

(Mary Ann Santiago)