PAGKATAPOS katigan ng Korte Suprema si Pangulong Digong sa kanyang desisyong nagpapahintulot na ihimlay si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), nagpa-press conference si dating Pangulong Fidel V. Ramos (FVR). Palihim na nailibing na noon ang mga labi ng dating Pangulo na matinding inalmahan ng ilang mamamayan. Ikinagalit din ito ng mga petitioner na naghabla sa Korte laban kay Pangulong Digong dahil may panahon pa silang magsumite ng motion for reconsideration.
Nang mamatay si Pangulong Marcos sa Hawaii, ayon kay FVR, humingi ng permiso ang kanyang maybahay na si dating First lady Imelda Marcos na maiuwi sa bansa ang kanyang labi. Sa Hawaii naitaboy si Marcos nang patalsikin siya ng taumbayan at dito siya inabot ng kamatayan. Pumayag daw si FVR, pero napagkaisahan nila ni Gng. Marcos na idideretso ang mga labi sa bayan ng dating Pangulo sa Batac, Ilocos Norte at dito ililibing. Maikling panahon lang, aniya, na ito ay paglamayan. Nakasulat ang kanilang napagkaisahan sa isang kasunduan na nilagdaan nina Gng. Marcos at dating DILG Secretary Rafael Alunan bilang kinatawan ni FVR.
Kaya, ang kasunduan ay sa pagitan nina Gng. Marcos at ng mamamayang Pilipino. Nakabimbin ngayon sa Korte Suprema ang motion for reconsideration ng mga laban sa paglibing kay dating Pangulong Marcos sa LNMB upang baligtarin nito ang kanyang hatol na pinahihintulutan ito. Mabigat ang epekto ng kasunduan. Nasa Korte Suprema na kung pupuwersahin nito ang mga Marcos, lalo na si dating First lady, na igalang ito dahil hindi lang si FVR ang kanilang kausap kundi ang mamamayang Pilipino na kinakatawan ni FVR bilang kanilang pinuno.
Kaya, sa akin, hindi na labi ni Pangulong Marcos ang nakahimlay sa LNMB, maliban na lang kung sinuway ng mga Marcos ang kasunduan nila sa taumbayan at hindi ito inilibing sa Batac, Ilocos Norte. O kaya, hinukay ang kanyang pinaglibingan at kinuha ang kanyang mga labi at dinala sa LNMB.
Anu’t anuman, labi man ni dating Pangulong Marcos o hindi ang sekretong inilibing ng kanyang pamilya sa LNMB, hindi ito gaanong isyu. Ang mabigat na isyu ay kung bakit nakipagkasundo na nga ang kanyang pamilya na sa Batac, Ilocos Norte siya ililibing, bakit nais pa rin nilang ihimlay sa LNMB ang labi ni Marcos? O kaya, bakit nais nilang palabasin na sa LNMB siya inilibing? Nais nilang kilalanin bayani ang dating Pangulo.
Kapag sila ang nanaig, matutulad ang mga susunod na henerasyon sa atin na hanggang ngayon, pagkalipas ng daangtaon, ay si Aguinaldo ang kinikilala nating unang Pangulo ng Republika, samantalang ang nagtutuwid ng kasaysayan ay si Bonifacio. Pareho silang kinikilala nating bayani, pero si Aguinaldo pala ang nagpapatay kay Bonifacio at sa kanyang kapatid.
Baka magdaan lang ang ilang henerasyon, bayani na si Marcos ng ating lahi gayon siya, dahil sa kaganiran, ang gumawa ng mga karumal-dumal na krimen sa bayan gamit ang inagaw niyang kapangyarihan sa mamamayan. (Ric Valmonte)