Arestado ang dalawang elementary student na umano’y nagbenta ng dahon ng marijuana sa loob ng kanilang paaralan sa Malabon City nitong Martes.
Ang dalawang suspek, edad 14 at 16, ay inaresto ng mga operatiba ng PCP-7 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga kinauukulan ng Arellano University na may ilang estudyante ang humihithit ng marijuana sa loob ng palikuran.
Nang pasukin ang palikuran, kitang-kita pa umano ng mga awtoridad ang usok ng marijuana sa loob ng banyo.
Nakumpiska umano ng mga pulis ang halos isang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa dalawang estudyante.
Nakasuot pa ng uniporme ang dalawang suspek nang sila’y imbitahan ng mga pulis sa opisina ng kanilang principal para sa tamang koordinasyon bago magsagawa ng imbestigasyon.
At dahil kapwa menor de edad, sila ay dinala sa tanggapan ng Department of Social Services and Development (DSWD) sa Malabon para masampahan ng kaukulang kaso.
Kaugnay nito, kinukumpirma pa rin ng mga pulis kung ang mga dahon ng marijuana na nakumpiska sa dalawang estudyante ay galing sa isang “Pilo” sa Tangos, Navotas.
Agad namang ipinaalam ng school principal sa mga magulang ng dalawang estudyante ang pagkakaaresto sa mga ito.
(ED MAHILUM)