NAKITA namin si Erik Santos sa dressing room ng ELJ Building ng ABS-CBN habang naghihintay makunan ang guesting nila ni Jonathan Manalo sa programang Tonight With Boy Abunda.
Tinanong kami ni Erik kung napanood namin ang Maalaala Mo Kaya nila ni Angeline Quinto, sinabi naming ‘hindi’ dahil nasa labas kami.
“Sayang, Ate Reggee, hihingan sana kita ng comment kung ano’ng masasabi mo,” sabi ng binatang singer.
Ano ba ang narinig niyang feedback sa mga nakapanood?
“Okay naman daw, magaling daw ako, he-he-he... magaling si Angeline, sobra,” napangiting sagot sa amin.
Inamin ni Erik na nag-workshop siya para sa nasabing MMK episode.
“Sabi kasi ng direktor (Garry Ferrando), mag-workshop ako ng one day kay Tito Pen Medina kasi hindi ko alam na ganu’n kabigat.
“Kasi ‘yung last two MMK ko naman, siyempre ‘pag MMK may bigat din naman, pero ito kasi ito (kasama si Angeline) hindi naman ako aktor, di ba? Occasional lang, so nu’ng first taping day namin, Monday ‘yun, Tuesday pinag-workshop nila ako kasi ‘yung mga susunod na eksena, mata lang ang gagamitin.
“So kailangan makita do’n sa mata ‘yung gusto mong i-convey, kaya nag-workshop ako kay Tito Pen. Tingin ko naman naging effective siya kasi may mga nagte-text sa akin na sobra raw silang naiyak du’n sa episode namin.”
Biniro namin si Erik na baka ginalingan niya nang husto kasi inspired siya’t kasama niya si Angeline.
“Hindi, nadala rin ako sa kanya. May mga pagkakataong hindi ko kailangang umiyak pero naiyak din ako sa sobrang galing ni Angeline umarte,” papuri ng singer sa special friend niya.
Kung occasional actor si Erik, ano naman ang tingin niya kay Angeline -- singer o aktres?
“Sobrang galing niyang aktres, ang galing niyang umiyak! Parang tingin ko nga sa kanya kapag umiiyak parang si Judy Ann (Santos), tuluy-tuloy, parang balon.
“Kaya kapag umiiyak siyang ganyan, kahit hindi ko kailangang umiyak, naiiyak na rin ako, nadadala ako,” paglalarawan ni Erik sa kay Angge na lagi niyang kapartner sa mga concert/show.
Ngayong positive ang feedback sa MMK episode nila, tatanggap na ba siya ng teleserye?
“Singing lang, singing lang talaga, pasundut-sundot lang, subuk-subok lang,”sagot ni Erik.
Samantala, hiningan namin ng komento si Erik sa pagpapakasal ng ex-girlfriend niyang si Rufa Mae Quinto noong Nobyembre 25 kaya legal na itong Mrs. Trevor Magallanes.
Nang tanungin kasi si Rufa Mae nang mag-guest sa Tonight With Boy Abunda kung bakit ngayon lang siya magpapakasal, ang sagot nito ay dahil ngayon lang nito natagpuan ang sinasabing ‘the one’. Ano ang nangyari sa ibang nakarelasyon ng komedyana, wala lang ba lahat iyon?
Sagot ni Rufa Mae: “Kasi siguro, Tito Boy tingin nila hindi ako dapat seryosohin kaya walang sumeryoso.”
“Ay, ako seryoso,” mabilis na sabi ni Erik. “Baka ‘yung iba, basta ako seryoso.”
Hindi na namin ikukuwento kung bakit nagkahiwalay sina Erik at Rufa Mae dahil matagal na panahon na ‘yon, ang importante ay masaya na ngayon ang dalawa bilang magkaibigan.
“Actually, nu’ng nakita ko nga ‘yung pictures (sa kasalan), parang may konting (kirot)... hindi dahil sa nagseselos, ha? Walang ganu’n, kundi parang, ‘buti pa siya (ikinasal na). May ganu’n akong naramdaman, pero masaya ako, ha? Sobra akong masaya para sa kanya,” masayang sabi ng binatang singer.
Bakit nga ba hindi sila nagkatuluyan?
“Eh, kasi bata pa ako no’n, 24 lang ako, ‘tapos 30 na siya, so hindi ko pa naisip lahat ‘yun. Ngayon gusto ko na, pero heto wala naman akong girlfriend,” sagot ng singer.
Pagtiyagaan na niyang hintayin si Angeline, na nagsabi naman sa amin na kapag handa na ito, sana ay nasa tabi pa niya si Erik.
Sinabi pa namin na bagay silang dalaga kaysa maghahanap pa sila ng iba na hindi pa nila gaanong kilala, at least pareho silang may career kaya hindi aasa ang isa’t isa sa kanila.
“Siguro,” napangiti pero seryosong sabi ng binata, “kasi as of now wala naman akong girlfriend, tingnan natin.”
Kaya Angeline, dalian mong mag-esep-esep dahil baka mainip si Erik Santos, e, ikaw din mawawalan ka ng perfect partner sa shows n’yo at nakikita kong perfect combination din naman kayo kapag nagkatuluyan kayo. (REGGEE BONOAN)