NAPAKAHALAGANG pumosisyon na ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa isyu ng Marcos burial.
“Hinahangaan ko,” wika ni NDFP adviser Luis Jalandoni sa peace forum sa Baguio City noong Biyernes, “ang malalaking demonstrasyon, lalo na iyong mga ikinasa ng kabataan na nagsasabing hindi bayani si Marcos.”
Ang ihayag mo kasi itong bayani, aniya, ay insulto sa napakaraming nabiktima nito at sa kanilang pamilya. Tahimik noong una ang NDFP sa paghimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) dahil ang isyung tinatalakay nito at ng pamahalaang Duterte tungkol sa kanilang usaping pangkapayapaan ay ang reporma sa lupa. Dahil mahalaga ito sa 80 milyong mamamayan, ang paglilibing sa labi ni Marcos sa LNMB ay hindi malaking isyu, sabi ni Jalandoni.
Pero ngayon, aniya, maaari nang maapektuhan ang kanilang pag-uusap tungkol sa kapayapaan. Dahil paglabag daw sa kanilang human rights agreement sa gobyerno ang ipakitang bayani at modelong mamamayan si Marcos nang bigyan pa ito ng military honors, samantalang marami itong krimeng ginawa laban sa taumbayan.
May karapatang ipilit ng NDFP kay Pangulong Digong na igalang nito ang human rights. Labag dito ang ilibing si Marcos sa LNMB na pinahintulutan ng Pangulo at kinatigan ng Korte Suprema. Kasi, sa panahon na ang mamamayan ay walang matakbuhan dahil dinudukot sila at pinagpapapatay, ang sinandigan nila ay ang mga grupong nasa ilalim ng NDFP. Wala namang nagawa noon ang Korte Suprema. Hindi kayang sumalungat nito kay Marcos dahil namuno nga ito ng bansa sa pamamagitan ng lakas. Ginamit niya ang kanyang pagiging Commander-in-Chief nang ideklara niya ang batas militar at pinamahalaan ang gobyerno bilang diktador. Ang NDFP ang tumulong sa taumbayan na matauhan at gamitin ang kanilang lakas upang ipagtanggol ang kanilang sarili.
May sariling ideyolohiya ang NDFP. Nasa ilalim nito ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) na may ilang dekada nang nakikipaglaban sa pamahalaan para sa kanilang simulain. Maaaring sa mamamayang Pilipino, salungat ito sa alam nilang demokrasya. Pero, higit na salungat sa demokrasya ang itinatag na gobyerno ni dating Pangulong Marcos. Kung sa ilalim ng demokrasya, ang taumbayan ang makapangyarihan at dito nagmumula ang lahat ng kapangyarihang nagpapatakbo sa gobyerno, sinarili niya ang kapangyarihang ito. Mag-isa niyang tinanganan ang renda ng gobyerno at binusalan ang taumbayan.
Ang dugo na bumaha sa bansa noong panahong iyon ay dugo ng mga nagsakripisyong magsasaka, manggagawa, mag-aaral, propesyunal, at mga dukha sa kanayunan at kalunsuran na nilabanan ang kanyang kamay na bakal na pamamahala. Upang wakasan ito at ang kanyang kalupitan at kaganiran sa mahaba ring panahon, hindi naging sagabal ang ideyolohiya ng NDFP-CPP-NPA upang sandigan... sila ng taumbayan. Ang armado nilang puwersa at pagkakaisa ng taumbayan ang gumiba sa moog ng diktadurya. Kaya mahalaga ring marinig ang paninindigan ng NDFP tungkol sa Marcos burial, dahil nakatuwang ito ng sambayanan sa pagpapatalsik sa diktador.
Pagbabalik din kasi ng diktador, sinuman siya at ang mangangahas na gawin ito, ang kahulugan ng isyu. Higit sa lahat, para pabulaanan na pulitika ang nasa likod ng mga pagkilos at ang layunin ay patalsikin si Pangulong Digong. Ang nasa likod ng mga ito ay ang nagsama-sama noong panahon ng kagipitan at ang kanilang mga tagapagmana ng kasaysayan ng pakikibaka. (Ric Valmonte)