ISINUSULONG ang muling pagbilang sa kabuuan ng mga boto sa tatlong estado na naging mahigpitan ang laban, ang Wisconsin, Michigan, at Pennsylvania sa huling paghahalal ng presidente ng United States. Hindi nito layuning baligtarin ang napakanipis na panalo ng pambatong Republican na si Donald Trump sa tatlong estado kundi ang tuluyan nang tuldukan ang posibilidad na namanipula ang resulta ng mga boto dahil sa cyber attack.
Ang hakbanging ito ay pinangungunahan ng isang grupo ng mga election lawyers at mga eksperto sa datos na nagsabing mas kakaunti ang botong natanggap ng kandidatong Democratic na si Hillary Clinton, kumpara sa aktuwal na bumoto sa kanya, sa ilang estado na gumamit ng mga electronic voting machine. Lumikom ng pondo ang independent candidate ng Green Party na si Jill Stein para sa kinakailangang gastusin sa muling pagbibilang ng mga boto. Hindi sinuportahan ng kampo ni Clinton ang panukalang muling pagbilang sa mga boto dahil pagmumukhain siya nitong hindi matanggap ang pagkatalo, ngunit kalaunan ay nagsabing makikibahagi ito sa recount. Gaya naman ng inaasahan, mariin ang pagtutol ni Trump sa muling pagbibilang ng mga boto.
Matagal nang gumagamit ang Amerika ng mga electronic counting machine sa mga halalan nito. Gayunman, ilang bansa ang bumalik sa botohang manu-mano, kabilang ang Germany, Switzerland, at Ireland. Noong 2009, nagdesisyon ang Federal Constitutional Court ng Germany na ang electronic na pagboto para sa mga kasapi ng Bundestag ay labag sa batas dahil taliwas ito sa prinsipyong ang lahat ng mahahalagang hakbangin sa isang halalan ay dapat na malayang mabusisi ng publiko. Sa electronic voting, walang nakakakita kung paanong binabasa ng makina ang bawat balota. Nag-uulat ito ng mga resultang walang sino man ang maaaring magberipika. Ang pandaraya, ayon sa mga kritiko, ay nasa pagpapadala ng mga boto at sa canvassing. Sa Germany, ang kawalan ng transparency at ang resulta nitong pagkawala ng tiwala ng publiko sa sistema ang nagbunsod upang tanggihan ito ng Federal Court.
Gaya ng binigyang-diin ng mga nagsusulong sa panukalang recount sa Amerika, hindi nito hangad na mabaligtad ang pagkapanalo ni President-elect Trump, kundi ang alisin ang posibilidad — na pinagdududahan ng marami — na nakialam dito ang mga Russian hacker. May mga naunang insidente na nagagawang pakialaman ng mga hacker ang pinakatatagu-tagong record ng ilang ahensiya ng gobyerno ng Amerika.
Sa huling eleksiyon sa Pilipinas, nanawagan ang mga Pinoy sa oposisyon na magbalik na lang ang bansa sa manu-manong pagboto, ngunit wala silang nagawa dahil ipinagpatuloy ng gobyerno ang paggamit sa mga voting machine sa automated elections, alinsunod sa batas at gaya ng itinakda. Masusi nating tututukan ang mga nangyayari sa Amerika habang sinisilip nila ang posibilidad ng hacking sa tatlong estado. Sakali man na may matukoy silang hindi pagkakapare-pareho, tiyak na makaaapekto ito nang malaki sa mga natitirang estado ng Amerika at sa mga bansang gumagamit ng electronic counting machines, gaya ng Pilipinas.