Nakatakdang isailalim sa summary dismissal proceedings ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na isinangkot ni Kerwin Espinosa sa drug payola.
Ayon kay PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa, mahigpit niyang ipatutupad ang nararapat na aksyon laban sa mga tiwaling pulis.
Sinabi pa ni Dela Rosa na kung wala na sa tamang direksyon at tamang katwiran, kailangan na aniyang putulin ang sungay ng mga tiwaling pulis.
Idinagdag pa ni Dela Rosa na hindi siya nahihiya nang mapaiyak siya sa Senado kamakalawa dahil tao lamang siya.
Kaugnay nito, hinimok ni Dela Rosa ang publiko na huwag mawalan ng tiwala sa PNP dahil mas maraming pulis pa ang mapagkakatiwalaan.
Paliwanag ni Dela Rosa, sa kabila ng pagkakasangkot ng ilan sa kanilang mga kabaro sa mga ilegal na gawain ay nakakasiguro pa rin siya na mayroon pang natitirang mga matitino na handang ialay ang kanilang buhay upang malinis ang bansa sa kriminalidad, droga at korapsyon.
Sinabi ni Dela Rosa na nasa “98% out of 100%” ang matitinong pulis na kasama niya na lumalaban sa mga tiwaling gawain.
Kasabay nito, pinayuhan naman ni Senator Panfilo Lacson si Dela Rosa na linisin ng huli ang pulisya.
“I would just advise you na bigyan ng pansin iyong internal cleansing, iyong pag-impose ng internal discipline. Sa akin, half of the battle has been won kung ang members ng police ay disiplinado,” ani Lacson.
(Fer Taboy at Leonel M. Abasola)