Arestado ang isang negosyante at kanyang kasabwat nang tangkain umano nilang suhulan ang isang pulis para palayain ang isang drug suspect sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Allan Brayn Panganiban, 31, ng De Ocampo St., Malate, Maynila; at si Ronalyn De Leon, 26, ng Sunny Villas, Barangay Greater Fairview, Quezon City.

Ayon sa mga pulis, dakong 5:15 ng hapon nagtungo ang dalawa sa Fairview Police Station (PS-5), Bgy. West Fairview at ipinakilala ang kanilang mga sarili na kamag-anak ni Frederick Rejante, alyas “Fritz”, ikinulong kaugnay sa kaso ng ilegal na droga.

Si Rejante, ayon sa PS-5, ay kilalang tulak ng ilegal na droga na dinakma noong araw ding iyon sa ikinasang buy-bust operation sa Ever Gotesco sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

Sa kanilang pagdalaw, napag-alaman na sinuhulan ng dalawa, sa halagang P50,000, ang mga opisyal upang mapalaya si Rejante. Ipinakita pa umano nina Panganiban at De Leon ang pera sa mga pulis na tumanggi at mas piniling sila’y arestuhin.

Magkakasama na ngayon sa kulungan sina Rejante, Panganiban, at De Leon. (Vanne Elaine P. Terrazola)