Hinihinalang onsehan sa droga ang dahilan kung bakit sinaksak at pinatay ng dalawang lalaki ang isang tindero na kanilang katagpo sa loob mismo ng taxi sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Rommel San Jose, 25, ng Jose Abad Santos Avenue, kanto ng Hermosa Street, Tondo, Maynila dahil sa tinamong saksak ng ice pick sa kanang dibdib.
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang pananaksak sa Oroquieta St., kanto ng Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz.
Ayon kay Michael Flores, 28, taxi driver, ng 59 Casimiro St., Arty Subdivision, Valenzuela City, sumakay sa kanyang taxi ang biktima sa Doroteo Jose Street at nagpahatid sa Jose Abad Santos ngunit maya-maya pa’y nagbago umano ang isip nito at sa Oroqiueta Street na lamang nagpahatid.
Pagdating sa nasabing lugar ay dinatnan na nila ang dalawang suspek at nilapitan ng mga ito ang biktima, nakaupo sa tabi ng driver, at nag-usap ang mga ito.
Narinig umano ni Flores ang isa sa mga suspek na nagsabing, “Dito mo na lang iabot,” ngunit makalipas ang ilang sandali ay nagulat na lang umano si Flores dahil may biglang bumangga sa kanyang taxi kaya’t napalingon siya.
Dito na umano niya nakita ang isa sa mga suspek na may hawak na ice pick habang sugatan na ang biktima at hirap na sa paghinga.
Hindi na umano nag-aksaya ng panahon si Flores at agad ni-lock ang pintuan at saka pinaharurot ang taxi upang isugod sa pagamutan ang biktima ngunit patay na ito.
Ayon sa mga pulis, posibleng nagka-onsehan sa ilegal na droga ang mga suspek matapos matagpuan ang isang papel na may lamang menthol candy.
“Siguro, umiiskor ‘yung biktima. Niloko niya ‘yung mga suspek, kaya ayun, sinaksak siya,” ani Balagtas.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (MARY ANN SANTIAGO)