Tatangkain ng reigning champion National University Pep Squad na makamit ang asam na ikatlong sunod na titulo sa pagsabak sa UAAP Cheerdance Competition ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon kay NU head coach Ghicka Bernabe, handa na ang kanyang koponan sa matinding pressure na kakaharapin sa pagsalang sa kompetisyon.
“Kailangan naming maging handa lalo na sa pressure kasi sigurado namang lahat gusto kaming talunin,” ani Bernabe.
Ayon pa kay Bernabe, hindi sila dapat maging kumpiyansa higit ang bawat koponan ay pursigidong maagaw sa kanila ang korona.
“We can’t be complacent. We have to step up 10 times more,” aniya.
Tatangkain ng NU na makamit ang ikatlong sunod na titulo na bihira sa kasaysayan ng collegiate cheerdance sa nakalipas na 21 taon.
Tanging ang UST Salinggawi Dance Troupe pa lamang ang nakakagawa ng limang kampeonato mula 2002-06.
Mula sa pre-historic routine nila noong isang taon, gagawin naman nilang “futuristic” ang tema ng sayaw.
Sa taong ito, pitong koponan lamang ang maglalaban- laban dahil nauna nang nagpahayag ng kanilang pagatras ang UP Pep Squad dahil sa umano’y pagbabalewala sa kanilang protesta noong isang taon. (Marivic Awitan)