Nagsagawa ng malawakang clean-up drive sa Las Piñas City para makaiwas sa dumadaming kaso ng Zika virus, dengue at chikungunya ang lungsod.

Nagtulung-tulong ang mga opisyal ng barangay, health department staff at mga nagboluntaryo, sa pangunguna ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar, kasunod ng panawagan ng Department of Health (DoH) na makiisa sa pagpuksa sa mga lamok na Aedes aegypti na nagdadala ng nabanggit na mga virus.

Itinatag ni Mayor Aguilar ang Barangay Zika-Dengue Brigade para magsagawa ng clean-up drive sa iba’t ibang barangay sa Las Piñas at ipalaganap ang tamang impormasyon na magbibigay ng kaalaman sa mga residente kung paano maiiwasan at makokontrol ang Zika, dengue, at chikungunya.

Umapela rin ang mayor sa mga residente at pamunuan ng mga paaralan na panatilihin at palakasin ang clean-up drive para tuluyang mapuksa ang sakit.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

“Prevention and control of these dreaded vector-borne disease is everybody’s concern and responsibility that we must do our share in ensuring a clean and mosquito-free surroundings,” ani Aguilar.

Kasabay nito, nagdagdag pa ng siyam na mini dump truck ang lungsod at kumuha ng 250 mangongolekta ng basura, driver ng drump truck, at aide para makatulong sa malawakang kampanya laban sa mga sakit na dulot ng kagat ng lamok.

(Airamae A. Guerrero)