NAGA CITY, Cebu – Nagbabala ang mga awtoridad sa publiko laban sa sindikato ng ATM skimming sa Cebu, na nakabiktima na ng 10 katao at tumangay sa aabot sa P500,000 ng mga ito sa loob lamang ng ilang araw.
Sa lungsod ng Naga sa katimugang Cebu pa lamang, 10 katao na gumamit ng ATM sa Barangay East Poblacion ang napaulat na nawalan ng kabuuang P423,000 dahil sa mga suspek.
Sa Cebu City, sinabi ni Councilor Dave Tumulak na maging siya ay nanakawan ng pera ng mga skimmer, na nag-withdraw sa kanyang account gamit ang pekeng ATM card.
Pinaalalahanan naman ni Cebu City Police Office acting director Supt. Joel Doria ang publiko na ugaliing i-monitor ang kanilang bank account at magdoble-ingat sa pagwi-withdraw sa ATM.
Sa nakalipas na dalawang araw, nakatanggap ang himpilan ng Naga City Police ng 10 reklamo kaugnay ng ATM skimming.
Napaulat na aabot sa P25,000 ang nanakaw kay Melody Lazarte, 30; si Emilie Lazarte, 45, ay nawalan ng P60,000; Zosimo Ravanes, 49 anyos, P33,000; Eden de Gracia, 31 anyos, P128,000; Delia Arellano, 60 anyos, P75,000; Maria Lucille Bacariza, 33 anyos, P57,000; at Gilbert Tapia, 34 anyos, P45,000.
Nakipag-ugnayan na si Naga City Police chief, Supt. Gregorio Galsim sa mga bangko at sinusuri na rin ang mga footage ng closed circuit television (CCTV) camera sa mga cash dispenser, upang matukoy ang mga suspek.
Sinabi naman ni Cebu Bankers Club President Eugene Rigodon na magpupulong ang mga bank manager upang talakayin ang insidente, kasabay ng panawagan sa publiko na maging maingat sa paggamit ng kanilag ATM card. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)