Ipinatapon sa Mindanao ang apat na pulis ng Quezon City Police District (QCPD) na sinibak dahil umano sa pangingikil ng P31,000 sa isang motorista, matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinalaga sa Jolo, Sulu sa ilalim ng Police Regional Office of the Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM), sina PO3 Drazen Calix Banatao, PO3 Teodoro Morales, PO2 Juan de Asis Jr., at PO1 Philip John Laylo.
Ayon kay QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar, mismong ang Pangulo, sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP), ang nag-utos na ipatapon ang apat na pulis matapos malaman ang ginawa ng mga ito.
Nahaharap sa kasong robbery extortion sina Banatao, Morales, De Asis at Laylo matapos silang ireklamo ng isang Rex Macabeo Jr. sa pangingikil ng P31,360 nitong Nobyembre 4.
Nagmamaneho umano si Macabeo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue nang lapitan siya ng apat dahil sa paglabag umano sa batas-trapiko na hindi naman maipaliwanag ng apat. Sinabi rin niya na tinakot din siya ng apat na makukulong siya dahil sa pagkakaroon ng bolo sa kanyang sasakyan.
Idinagdag ni Eleazar na bukod sa kasong kriminal, iniimbestigahan din ng District Internal Affairs Service ang insidente para sa kasong administratibo laban sa apat. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)