CAMP PRESIDENT QUIRINO, Ilocos Sur – Patay ang isang konsehal sa bayan ng Magsingal matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Barangay San Basilio sa Magsingal, Ilocos Sur, nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Chief Insp. William Nerona, tagapagsalita ng Ilocos Sur Police Provincial Office, ang pinaslang na si Freddie Arquero, 55, number one councilor ng Magsingal at taga-Bgy. San Lucas.
Ayon sa paunang imbestigasyon, dakong 5:30 ng umaga at hinihintay ni Arquero ang mga kapwa niya rider nang lapitan siya ng mga suspek na lulan sa motorsiklo at ratratin nang malapitan bago nagsitakas ang mga ito.
Binawian ng buhay ang konsehal habang ginagamot sa ospital.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay. (Freddie G. Lazaro)