untitled-1-copy-copy

Anthony, napatalsik sa laro; LeBron at Clippers nanalasa.

WASHINGTON (AP) – Balik sa tamang porma ang Cleveland Cavaliers matapos ang kabiguang natamo sa unang pagkakataon ngayong season.

Hataw si LeBron James sa natipang 27 puntos at 10 rebound, habang kumana si Kyrie Irving ng 29 puntos para sandigan ang 105-94 panalo ng Cavaliers kontra Wizards, nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Kahayupan (Pets)

Hit-and-run survivor na pusa, 3 taon nang naghahanap ng 'FURever' home

Nag-ambag si Kevin Love ng double-double — 14 puntos at 16 rebound — habang umiskor si JR Smith ng 17 puntos para sa Cavaliers.

Nanguna sa Wizards si John Wall sa nakubrang 28 puntos, habang tumipa si Markieff Morris ng 20 puntos.

Nakamit ng Wizards ang ikaanim na kabiguan sa walong laro.

CELTICS 115, KNICKS 87

Ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas na nagsalansan ng 29 puntos, ang natigagal na New York Knicks.

Hindi nakaahon ang Knicks mula sa double digits na paghahabol, higit at napatalsik sa laro ang start guard na si Carmelo Anthony bunsod ng masamang pananalita sa mga referee.

Nakagawa si Anthony ng 12 puntos bago napatalsik sa kalagitnaan ng second period.

Nag-ambag sa Boston sina Kelly Olynyk na may 19 puntos, habang kumana si Avery Bradley ng 14 puntos at nag-ambag sina Jaylen Brown at Terry Rozier ng tig-10 puntos.

SPURS 96, PISTONS 86

Naputol ng San Antonio ang three-game losing skid nang idiskaril ang Detroit Pistons.

Nanguna si Pau Gasol sa naiskor na season-high 21 puntos, anim na assist at limang rebound.

Kumana rin sina Kawhi Leonard na may 17, at LaMarcus Aldridge na tumipa ng 14 puntos at 12 rebound.

Nanguna sa Pistons si Andre Drummond sa nakubrang 20 puntos at 17 reboud.

CLIPPERS 110, THUNDER 108

Naisalba ng Los Angeles Clippers ang matikas na ratsada ng Oklahoma City Thunder sa outside shooting para mailusot ang dikitang laban sa harap ng nagbubunying crowd sa Chesapeake Energy Arena.

Tangan ng Clippers ang 11 puntos na bentahe sa third period bago nagsagawa ng scoring run ang Thunder para maitabla ang iskor sa 104-all may 1:34 ang nalalabi sa laro.

Naisalpak ni Jamal Crawford ang three-pointer para sa 109-104 may 48 segundo ang nalalabi. Nanatiling dikit ang laban nang makaiskor ng apat na puntos si Russel Westbrook, ngunit nakaganti ng dalawang free throw si Crawford.

Sumablay ang game-winning trey ni Westbrook sa buzzer.

Nanguna sa Clippers si Blake Griffin sa natipang 25 puntos para sa ikalimang sunod na panalo at 8-1 karta.

SIXERS 1-9, PACERS 105 (OT)

Sa Wells Fargo Center, nakamit ng Philadephia Sixers ang unang panalo matapos ang pitong kabiguan ngayong season nang daigin ang Indiana Pacers sa overtime.

Naisalba ni Joel Embiid ang Sixers sa natipang 25 puntos para sa morale-boosting win ng pinakakulelat na koponan sa nakalipas na season.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Toronto Raptors kontra Charlotte Hornets, 113-111, habang giniba ng Utah Jazz ang Orlando Magic, 87-74.