Pinalagan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga napaulat sa ilang TV network na nagsasabing ipinagbabawal umano ng ahensiya ang mga motorsiklo sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Paglilinaw ng MMDA, walang kautusan ang ahensiya na nagbabawal sa mga motorsiklo sa EDSA o sa alinmang pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa halip, mahigpit na ipatutupad ng MMDA, sa direktiba ng Inter-Agency Council on Traffic (IACT) ng Department of Transportation (DOTr), ang “motorcycle lane policy” sa EDSA, C-5 Road, Macapagal Avenue at Commonwealth Avenue simula sa Lunes, Nobyembre 14.
Nagtakda ng motorcycle lane o blue lanes para sa mga motorsiklo sa mga nabanggit na lansangan, kung saan hindi dapat na lumagpas ang mga ito upang makaiwas sa panghuhuli ng mga traffic enforcer.
Ang naturang polisiya ay bunsod ng pagdami ng aksidente sa hanay ng mga nagmomotorsiklo. (Bella Gamotea)