Muling mariing itinanggi ni Senator Leila de Lima na tumanggap siya ng pera mula sa pamilya Espinosa kahit pa harapan siyang binanggit ng hepe ng Albuera Police sa Leyte na kabilang sa mga nasa “blue book” ng mga tumanggap umano ng drug money.
“Hay naku, never!” Ito ang mariing sinabi ni De Lima sa mga mamamahayag pagkatapos ng pagdinig sa Senado nitong Huwebes.
“Katulad din ‘yan ng mga sinabi sa House inquiry. Sabi ko nga, ang gagaling nung mga tumatrabaho sa akin. Ang gagaling ng mga operatives na ‘yan na nagga-gather at nagpa-fabricate ng mga testimonya na ‘yan, maski ‘yung dun pa lang sa House inquiry,” aniya, tinukoy ang pagdinig ng House committee on justice tungkol sa kalakalan umano ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice (DoJ).
Sa hearing nitong Huwebes, sinabi ni Albuera Police chief, Supt. Jovie Espenido na may ebidensiya ang pulisya na tumanggap ang senadora ng P8 milyon mula sa hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa, anak ng napatay na si Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr.
‘WASTE BASKET’
Samantala, inaasahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na “straight to the waste basket” ang habeas data petition na inihain ni De Lima sa Korte Suprema laban kay Pangulong Duterte.
Hangad ng nasabing petisyon na hamunin ang immunity from suit ng Presidente at hiniling ng senadora na patigilin ang gobyerno sa pagkalap ng mga personal na impormasyon tungkol sa kanya at paggamit sa mga ito laban sa kanya.
(Hannah Torregoza at Jeffrey Damicog)