BAGO pa man nadiskubre ng mga bagong turista ang magagandang tanawin sa Catanduanes na maaaring ihanay sa word-class tourist spots, beaches at alon na perpekto para sa surfers, falls, bundok, kuweba, lumang mga simbahan, garrison noong panahon ng giyera, ang Catanduanes ay matagal nang pook ng kapahingahan, kapayapaan at kaligtasan.
Bagamat kilala sa tawag na “The Land of the Howling Winds” dahil sa direkta itong nakaharap sa Dagat Pacifico at kadalasang dinadaanan ng mga bagyo, mayroong mananaliksik na nagsasabing ang lumang pangalan ng Catanduanes ay Katandungan, salitang Malay na ang kahulugan ay “lugar na ligtas sa panahon ng panganib”.
Dahil literal na nagiging kanlungan ang isla ng mga naglalayag sa karagatan tuwing may malalakas na bagyo. Malay at Chino ang mga unang tao na nakadiskubre sa isla.
Gayunman, ang pangalang Catanduanes ay sinasabing nanggaling sa salitang tandu na tawag sa isang uri ng uwang (beetle) na noo’y nakikita saan mang parte ng isla. Tinawag na “Katanduan” ang isla na ang ibig sabihin ay lugar na maraming tandu.
Namangha rin ang mga Kastila nang dumating sa pulo noong 1573 at tinawag itong Isla de Cobos, dahil sa napakaraming kubo na tahanan ng mga tagarito.
Sinubok na ng panahon ang katatagan ng mga mamamayan ng Catanduanes. Sa katunayan, sa kabila ng paghagupit ng bagyong Karen at Lawin na sumira sa ibat ibang produktong agrikultura sa isla, matagumpay pa ring naidaos ang pagdiriwang sa ika-71 taong pagkakatatag ng probinsiya.
Iba’t ibang aktibidad ang isinagawa upang ipakita ang mayamang kultura at magagandang lugar ng probinsiya tulad ng national surfing competition na nilahukan ng halos isandaang surfers mula sa Metro Manila at pitong lalawigan na kilala bilang surfing sites katulad ng Siargao, La Union, Zambales at Sorsogon.
Naging makulay rin ang fire dancing competition at hot balloon flying. Nagpasiklaban naman sa ganda at talino ang mga lumahok sa Binibining Catandungan mula sa 11 bayan ng lalawigan at nagpakitang gilas ang kabataan sa quiz bee tungkol sa kasaysayan ng Catanduanes.
Ginanap din ang pinakaunang International Ultra-Marathon sa probinsiya na sinalihan ng mahigit 100 runners na tumakbo ng 110 kilometro sa sakop ng tatlong munisipyo. Isa sa highlights ng pagdiriwang ang cultural show na nagpamalas sa iba’t ibang tradisyon at kultura ng mga Catandunganon.
Ang Catanduanes, na may lawak na 1,492.16 km2, ay isa sa anim na probinsiya ng Bicol Region at naideklarang independent province mula sa Albay noong 1945, sa bisa ng Commonwealth Act No. 687 na nilagdaan ni Presidente Sergio S. Osmena, Sr.
Matatagpuan ang isla sa dulong silangan ng Bicol Peninsula at inihiwalay sa mainland Bicol ng Maqueda Channel at Lagonoy Gulf. Bagamat nakahiwalay sa mainland, aktibo pa ring sumali ang mga Catandunganon sa mga rebolusyon laban sa mga dayuhang mananakop.
Hinati-hati sa labing-isang bayan mula 1600 hanggang 1952, pangunahing bayan ng Catanduanes ang Virac (mula naman sa salitang vidak/burak o bulaklak) na may lawak na 152.40 km2.
Bagamat ngayon pa lamang nakikilala bilang “The Happy Island,” matagal nang bantog sa buong mundo ang industriya ng de-kalidad na abaca sa Catanduanes, ang top producer ngayon ng produktong ito sa Pilipinas. Isa rin ang probinsiya sa malalaking producer ng tiger grass sa buong bansa at hindi rin nagpapahuli ang copra production sa export industry.
Sa bayan ng Panganiban nahuhuli ang pinakamasarap at naglalakihang mga alimango na tinataguriang Home of the Tastiest Crab in the Philippines. Pursigido ang local government unit ng Panganiban sa pangununa ni Mayor Robert Fernandez na tuluyan nang makilala ang Catanduanes bilang Crab Capital of the Philippines.
Mabilis na umuunlad ang turismo sa lalawigan. Taun-taon ay nadaragdagan ang mga turistang dumarayo rito galing sa iba’t ibang parte ng mundo. Marami na sa kanila ang nahalina at bumili na ng mga lupa sa isla upang kanilang maging bakasyunan o permanenteng tirahan.
Ayon kay Governor Joseph C. Cua, isa sa mga priyoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagsuporta sa mga programang panturismo upang tuluyan itong makilala at maging tanyag hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.
Aniya, napakalaki ng potensiyal ng lalawigan sa industryang ito. Todo suporta naman ang pribadong sector at patuloy na tumutulong upang maibahagi sa mas nakararami ang kagandahan ng isla.
Katunayan, hanggang sa kasalukuyan ay may mga nadidiskubre ang mga lokal na magagandang lugar at masasarap na pagkain sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. (JINKY LOU A. TABOR)
[gallery ids="204970,204969,204968,204967,204961,204962,204963,204964,204965"]