justin-at-usher-copy

INIREKOMENDA ng U.S. federal judge na idismis ang $10 million lawsuit laban kina Justin Bieber at Usher sa ilegal na pangongopya umano ng ilang bahagi ng kantang Somebody to Love mula sa dalawang Virginia songwriter.

Sa ulat noong Lunes, inihayag ni Magistrate Judge Douglas Miller na nabigo sina Devin Copeland at ang kanyang pinsan na si Mareio Overton na mapatunayang nagkaroon ng access sina Bieber at Usher sa kanilang kanta noong 2008, na Somebody to Love rin ang pamagat, bago ginawa ng dalawang singer ang kanta noong unang bahagi ng 2010.

Dati nang ibinasura ang kaso noong March 2014, ngunit muli itong binuhay ng federal appeals court sa pagsasabi ng lupon na nakitang “intrinsically similar” ang chorus ng dalawang kanta.

BALITAkutan

Hindi arte lang! Mga artistang nakaranas ng legit na kababalaghan

Ipinaliwanag naman ni Bieber at ni Usher, na Usher Raymond ang buong pangalan, na ang kanilang kanta ay hinalaw mula sa version noong Nobyembre 2009 ng songwriter na si Heather Bright at ang production trio na The Stereotypes.

Sa kanyang 32-page na rekomendasyon, ipinaliwanag ni Miller na walang sapat na ebidensiya para sabihing narinig ng mga akusado ang kanta nina Copeland at Overton bago nabuo ni Bright at ng The Stereotypes ang kanilang kanta.

Binanggit din ng hukom na nakabase sa Virginia ang testimonya ng musicology professor ng New York University na ang mga kanta ay hindi “strikingly similar,” kahit may pagkakapareho ang mga ito.

Tinawag ito ni Miller na “generic” sa mahigit 100 artists, kabilang si Jefferson Airplane at ang Queen, na nag-record ng mga kanta na Somebody to Love rin ang pamagat.

Mapupunta ang rekomendasyon kay U.S District Judge Arenda Wright Allen, na kasama sa dismissal noong Marso 2014, at magdedesisyon muli kung ibabasura ang kaso o hindi.

Hindi naman nagbibigay ng komento ang abogado ng mga nagsampa na si Duncan Byers hangga’t hindi pa nagpapasiya si Allen, ayon sa kanyang tanggapan noong Martes.

Hindi rin agad sumagot ang mga abogado nina Bieber at Usher nang hingian sila ng komento tungkol sa isyu. (Reuters)