ANG hindi ko pagdalaw ngayon sa libingan ng aming ina — at maging noong nakaraang paggunita sa Undas at maaaring sa darating pang Araw ng mga Yumao — ay hindi nangangahulugan ng ganap na pagkalimot sa alaala ng kanyang kamatayan. Sa lahat ng sandali, laging nakakintal sa aming gunita ang kanyang walang kapantay na pag-aaruga sa aming angkan hanggang sa pagyao niya, maraming dekada na ang nakalilipas.

Sino ba naman ang hindi mananabik dumalaw sa libingan ng ating mga mahal sa buhay; sa ating mga magulang at mga kamag-anak, lalo na nga sa isa naming kapatid na naging biktima ng walang katulad na pananampalasan ng mga buhong na hindi nagpapahalaga sa buhay ng kanilang kapwa. Siya, kasama ang apat pang iba, ay sabay-sabay na pinaslang — mga biktima ng tinaguriang ‘noon-time massacre’, maraming taon na ang nakararaan.

Talagang ayaw ko nang masilip ang pinaghimlayan ng aming ina. Sapat na ang aking laging pag-uukol ng taimtim na dalangin para sa katahimikan ng kanyang kaluluwa. Sapat na ang aking paghihinagpis nang masaksihan ko — sa una at huling pagdalaw ko sa kanyang puntod — ang isang magarang nitso na mistulang nakapatong sa libingan ng aming ina.

Maliwanag na may pangahas at makapangyarihan ang nag-utos sa pagpapagawa ng naturang nitso nang wala man lamang pasabi sa amin.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Talagang may mga tao, lalo na ang mga nakaririwasa sa buhay, ang walang pakundangan sa pagyurak sa alaala ng mga yumao, lalo na ng mga dukha; manhid sa makataong pakikiramay.

Hindi ako nag-iisa, kung sabagay, sa ganitong paghihinagpis. Bigla kong naalaala ang libu-libo nating kababayan sa Visayas na biktima ng super-typhoon ‘Yolanda’ noong 2013; winasak ng matinding daluyong ang kanilang mga bahay at sa halos isang iglap, naglipana ang mga bangkay. Maraming natabunan ng magkahalong putik at buhangin. Ang ating mga... kababayan ay mistulang nalibing nang buhay; ang iba ay inihimlay na lamang sa iisang libingan o common grave. Totoo, ito ay bunsod ng bangis ng kalikasan.

Gayunman, iisa ang nadadama kong dahilan ng aming paghihinagpis sa paglapastangan sa libingan ng aming ina: Laging may agwat ang katauhan ng mga sagana at nagdarahop hanggang sa kamatayan. (Celo Lagmay)