Hindi na nakarating pa sa kanyang trabaho ang isang pulis matapos siyang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem sa Parañaque City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Jose Carumba ang biktima na si PO3 Alberto N. Canon, 35, ng Dasmariñas Cavite, at nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 3 ng nasabing pulisya.

Dead on arrival si Canon sa Philippine Army General Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa likod.

Sa inisyal na ulat, dakong 8:00 ng gabi nangyari ang pamamaril sa West Service Road, malapit sa Zuelig Corporation, Barangay Sun Valley ng nasabing lungsod.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Sakay si PO3 Canon sa kanyang motorsiklo nang sumulpot ang dalawang armadong suspek na magkaangkas din sa motorsiklo na walang plaka, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima.

“Masigasig si PO3 Canon sa kampanya kontra ilegal na droga at malimit na kasama sa Oplan Tokhang, posibleng pinag-initan ng sindikato,” sabi ni Carumba. (Bella Gamotea)