NGAYONG Undas, hindi lang maghahatid ng naglalakihang balita ang Unang Hirit at nangungunang primetime newscast na 24 Oras dahil mula Lunes (October 31) hanggang Miyerkules (November 2), magkakaroon ng tig-isang Serbisyong Totoo booth sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.
Bawat Serbisyong Totoo booth ay magkakaloob sa publiko ng libre at unlimited water refill; charging stations para sa mobile phones at gadgets; security name tags para sa mga bata; at iba pang freebies tulad ng candy, handy fan, garbage bag, kandila, at bulaklak.
Sa pakikipagtulungan sa Philippine Red Cross, maglalaan din ng first aid service sa mga nasabing booth. Ipagpapatuloy rin ng Serbisyong Totoo booth ang proyekto nitong “Palit Plastic Bottle” project, na naglalayong maitaguyod ang recycling at ang pagbabawas ng mga kalat sa sementeryo ngayong Undas. Ang mga bote ay ibibigay sa Tzu Chi Foundation na gagamitin ang mga ito para gumawa ng mga silya at kumot para sa mga charitable institution. Makakakuha naman ng tokens ang mga magbibigay ng bote.
Libre ang mga serbisyong ito sa publiko mula 5 AM hanggang 10 PM sa October 31 at November 1; at mula 5 AM hanggang 1 PM naman sa November 2.