Mananatili sa Star Hotshots sina Marc Pingris at RR Garcia.

Kinumpirma kahapon ng Hotshots management ang paglagda ng bagong ‘maximum deal’ na kontrata ng dalawang premyadong player.

Lumagda ang 35-anyos na si Pingris, premyadong defense specialist ng Star, nang bagong dalawang taong kontrata, habang binigyan si Garcia ng tatlong taong kontrata.

“We’re happy to have them back on the team, and we expect them to play crucial roles like the past seasons for the Hotshots now under coach Chito (Victolero),” pahayag ni Star board of governor Rene Pardo sa panayam ng Spin.ph.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Binigyan din ng isang taong kontrata ang beteranong forward na si Rafi Reavis.

Ang pananatili ng tatlong players ay paraan ng Star para mabasan ang posibleng impact sa pagkawala ni franchise player James Yap na na-itrade sa Rain or Shine kapalit ni Paul Lee.

Iginiit ni Pardo na matindi ang pangangailangan ng Star sa malalaking player. Pawang backcourt ang kanilang lineup na kinabibilangan nina Lee, Garcia, Mark Barroca, Justin Melton, at Alex Mallari.

“Masyado kaming puno sa guard, parang security agency kami,” aniya.