PALIBHASA’Y bihira nang makasilip sa National Press Club (NPC), nais kong itanong: Iyon pa rin kaya ang itinuturing na second home o pangalawang tahanan ng mga miyembro ng media? Sa paggunita sa ika-64 na anibersaryo ng naturang samahan ng mga mamamahayag, natitiyak ko na maraming nananabik na madama ang tunay na diwa ng magandang pagtuturingan o camaraderie ng ating mga kapatid sa journalistic profession.

Noon, ang mga mamamahayag, lalo na ang mga reporter mula sa iba’t ibang beat o assignment, ay kaagad nagtutungo sa NPC pagkatapos ng kanilang trabaho. Gayundin ang mga editor at deskman. Doon na sila manananghali o maghahapunan – at mag-iinuman hanggang sa gumabi at magpa-umaga, kung minsan. Ang iba ay naglalaro ng billiard, poker, chess, ‘balut’ at mahjong. Nakagawian na ng mga mediaman ang ganitong mga libangan sa mula’t mula pa. Hindi ko matiyak kung masasaksihan pa ngayon ang ganitong NPC atmosphere.

Noong hindi pa natatagalang naitatatag ang NPC, ito ay binubuo lamang ng mga print journalist at mangilan-ngilang broadcast man at photographer. Sa ibang salita, exclusive. Bahagi ito ng mahihigpit na reglamento o internal rules na ipinatutupad ng mga naunang liderato ng naturang organisasyon. At hindi gayon kadali ang maging miyembro ng NPC.

Subalit sa kalaunan, sa pamumuno ng sumunod na henerasyon ng NPC officers, nagkaroon ng malaking pagbabago. Mistulang binuksan ng nasabing liderato ang pinto ng NPC para sa mga miyembro ng media; bukod sa print, tinanggap sa kasapian o membership nito ang mga naglilingkod sa iba’t ibang himpilan at istasyon ng radyo at telebisyon, electronic media, photographers at mga correspondent mula sa iba’t ibang lalawigan.

Maliwanag ang naging paninindigan ng mga bagong liderato: Ang sinumang lehitimong miyembro ng media na konektado sa mga lehitimong media outfit ay marapat lamang na maging bahagi ng NPC. Hindi ko matiyak kung umiiral pa... rin ang ganitong sitwasyon sa nasabing organisasyon ng mga mamamahayag.

Sa anu’t anuman, inaasahan na ang ating mga kapatid sa propesyon ay patuloy na gumaganap sa kanilang makabuluhang tungkulin sa pangangalap ng mga impormasyon at katotohanan na dapat malaman ng sambayanan. Higit sa lahat, sa pagtatanggol ng karapatan sa pamamahayag o press freedom. (Celo Lagmay)