Hiniling ng Commission on Audit (CoA) sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang umano’y maanomalyang pagbabayad ng P740 milyon ng Land Transportation Office (LTO) sa isang pribadong kumpanyang nagsusuplay ng mga drivers’ license sa ahensya noong 2012.

Sa desisyon ng CoA na pirmado ni chairman Michael Aguinaldo at dalawa nitong commissioner na sina Jose Fabia at Isabel Agito, pinagtibay ang naging findings ng mga nag-imbestigang government auditor noong 2013 kung saan tinukoy na “walang legal na batayan” upang ipagpatuloy ng Amalgamated Motors Philippines, Inc. (AMPI) ang pagsusuplay ng drivers’ license cards sa LTO matapos mag-expire ang kontrata nito noon pang 2006.

Binanggit ng CoA na ang usapin ay naganap noong panahon ng panunungkulan ng namayapang si Assistant Secretary Virginia Torres.

Kasangkot din umano sa nasabing transaksyon sina License Section chief Judith Campos, Accounting Section chief Asuncion Maningas, Finance and Management Division chief Irenea Nueva, Budget Section chief Ada Valdez, Administrative Division chief Maribel Salazar, accountants Pernafrancia Dizon at Sheila Rodriguez, at AMPI.

Eleksyon

Ex-Pres. Duterte, babawiin kandidatura bilang alkalde ng Davao City; tatakbo umanong senador

Sa pag-iimbestiga ng CoA, natuklasan na nagbayad ng P500.904 milyon ang LTO sa AMPI para sa naideliber na license cards noong 2012 at P239.105 milyon naman para sa delivery nito noong Enero-Hunyo ng 2013.

Bunsod nito, nagpalabas ng notice of disallowance ang CoA para sa kabayarang P302 milyon dahil na rin sa kawalan ng public bidding, balido at enforceable contract sa pagitan ng LTO at AMPI, gayundin sa ilan pang iregularidad dahil sa hindi pagsunod sa procurement regulations. (Rommel P. Tabbad)