Isang guwardiya, pansamantalang humalili sa nakabakasyong kasamahan, ang nasawi nang aksidente niyang mabaril ang sarili sa Paco, Maynila kamakalawa.
Dead on the spot si Jenny Banera, 39, security guard, at residente ng 14-A Lopez Boulevard, Balut, Tondo, dahil sa tinamong tama ng shotgun sa tiyan.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:52 ng hapon nangyari ang aksidente sa loob ng palikuran.
Bago umano ang insidente ay nagpaalam ang biktima sa kanyang kasamahan para magpunta sa palikuran. Makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na umano sina Joan Hitalia, 33, teller at Jeffrey Capangpangan, 24, accounting assistant, ng putok ng baril.
Nagbiro pa umano si Capangpangan sa kasamahan ng, “Naku, sexy, hindi kaya nakalabit ni kuya reliever ‘yung baril niya?”
Hanggang sa nagdesisyon umano sila na alamin kung ano ang nangyari sa biktima at nakarinig na sila ng ungol mula sa loob ng palikuran.
Dito na umano humingi ng tulong si Capangpangan sa isa pa nilang kasamahan para mabuksan ang pinto at tuluyang tumambad ang bangkay ng biktima. (Mary Ann Santiago)