“Ang sama mong makatingin, ah?”
Ito umano ang mga salitang namutawi sa labi ng isa sa tatlong lalaki bago tuluyang binaril ang isang welder habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpapagaling sa isang ospital ang biktimang si Bryan Cordeta, 18, binata, ng Purok 1, Barangay 29, Isla Puting Bato, sa Tondo, dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa kaliwang dibdib.
Samantala, tinutugis naman ng mga awtoridad ang tatlong ‘di pa nakikilalang suspek na inilarawang nangakasuot ng itim na t-shirt at nasa edad 25 hanggang 30.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jay-Ar Mercado, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 9:20 ng gabi nangyari ang pamamaril sa harapan ng bahay ng isang Rolly Pagaduan sa Gate 8, Parola Compound, kung saan masayang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan.
Nagulat na lang umano ang magkakaibigan nang bigla na lang silang lapitan ng mga suspek at sinabihan ang biktima ng, “Ang sama mo makatingin, ah?” saka tuluyang binaril sa dibdib. (Mary Ann Santiago)