Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magiging sunud-sunuran sa alinmang bansa.

“I am not a tuta of any country. Ang pwede lang mag-tuta sa akin ay mga Pilipino,” ayon sa Pangulo bago siya tumulak sa Japan.

Ang ‘tuta’ na tinutukoy ng Pangulo ay maliit na asong sunud-sunuran sa ‘amo’.

Samantala ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng kontrobersya na nilikha ng kanyang mga sinabi hinggil sa ‘paghiwalay’ ng Pilipinas sa United States (US), kapalit ng China at Russia. Sa paglilinaw, sariling foreign policy lang umano ang tinutukoy ng Pangulo, at hindi nangangahulugan ng pagputol sa diplomatic ties ng Pilipinas at US.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Habang sinasabi ng US officials na nagdulot ng kalituhan ang mga pahayag ng Pangulo, nakangiti naman ang China na nagsabing sinusuportahan nila ang polisiya ng Pangulo.

Matapos ang pagdalaw sa China, Japan naman ang tinungo ng Pangulo.

Kahapon, binuksan ni Duterte ang usapin kung sino sa mga kapitbahay ng Pilipinas ang mas malapit sa kanyang puso---ang China o Japan.

Gayunpaman, hindi naman pumili ang Pangulo sa dalawang bansa.

“Between China and Japan, I think I love the Philippines more,” ayon kay Duterte sa isang press briefing sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, bago siya tumulak sa Japan.