Limang babae na pawang miyembro ng “Ativan” gang, at nambiktima kamakailan ng isang Canadian, ang dinakip ng mga awtoridad sa loob ng isang bar sa Ermita, Maynila.
Hawak na ngayon ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang mga suspek na sina Agnes Aguilar, 36, ng Barangay 2, Pasay City; Michelle Valiente, 32, ng 492 Cuyengking Street, Pasay City; Elma Matas, 36, ng 2160 Leveriza St., Pasay City; Luciana Lopez, 48, ng 261 Ligas 3, Bacoor, Cavite; at Merlinda Mercado, 43, ng 232 Paghanapin St., Tondo.
Sa imbestigasyon ni SPO3 James Poso, ng MPD-GAIS, si Aguilar, na isang tibo at itinuturong lider ng grupo, ay ilang beses nang naaresto sa kaparehong kaso ngunit nakalalaya rin dahil sa piyansa.
Inaresto ang limang suspek matapos kilalanin at ituro ng kanilang biniktima na si Brandon Arthur Joseph Drader, 27, Canadian, at pansamantalang nanunuluyan sa Montesitel Hotel, NAIA Road, Parañaque City.
Nakainuman pa umano ni Drader ang mga suspek bago siya tuluyang nawalan ng malay at pagnakawan ng mga personal na gamit na aabot sa $5,000.
Ayon sa biktima, dakong 6:00 ng gabi nitong Oktubre 21, nilapitan siya at kinaibigan ng isa sa mga suspek habang naglilibot at namamasyal sa Rizal Park.
Kalaunan ay nakihalo na umano sa kanila ang apat pang suspek at niyaya siya na uminom sa isang bar hanggang sa siya’y nahilo at nakatulog. Dito na umano siya pinagnakawan ng mga suspek.
Nang mahimasmasan, dumiretso ang biktima sa Pedro Gil Police Community Precinct (PCP) upang i-report ang nangyari ngunit hindi na nila nakita pang muli ang mga suspek.
At nitong Oktubre 23 ay muling bumalik ang biktima sa nasabing bar at natiyempuhan ang limang suspek kaya kaagad siyang humingi ng tulong sa mga kinauukulan hanggang sa maaresto ang mga ito at kinasuhan. (MARY ANN SANTIAGO)