Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang hirit ng high-profile inmate na si Herbert Colangco na makapagpiyansa.

Si Colangco na isa sa tinaguriang Bilibid 19, ay una nang nahatulan sa kasong robbery ng Parañaque Regional Trial Court, Branch 194. Sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP), inamin niya ang kanyang pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Ang kampo ni Colangco ay humirit ng pansamantalang kalayaan dahil kung pagbabatayan umano ang rekord ng kanyang kaso, hindi matibay ang ebidensya laban sa kanya, at bilang pagsasaalang-alang na rin sa lumalalang kondisyon ng kanyang kalusugan.

Hindi raw kasi gumagaling ang kanyang idinadaing na sakit sa likod, pananakit at pamamanhid ng ibabang bahagi ng kanyang katawan at may problema rin siya sa pag-ihi.

Eleksyon

Makabayan senatorial bet Lidasan, ‘di nakaboto; wala pangalan niya sa listahan

Ginawa pang argumento sa petisyon ni Colangco ang pagpayag ng Korte Suprema na makapagpiyansa si Senador Juan Ponce Enrile na akusado sa kasong pandarambong bunsod ng kanyang kalusugan.

Pero sa resolusyon ng CA Fifth division na isinulat ni Associate Justice Jose Reyes, walang merito ang petition for bail ni Colangco dahil siya ay nahatulang mabilanggo ng reclusion perpetua o pagkabilanggo ng mula 20 taon at isang araw hanggang 40 taon.

Sa ilalim umano ng Revised Rules of Criminal Procedure, kapag ang hatol sa isang akusado ay pagkabilanggo na higit anim na taon, hindi na papayagan ang akusado na makapagpiyansa.

Hindi rin umano maaaring ikumpara ang kaso ni Colangco kay Enrile dahil ang dating senador ay hindi pa naman nahahatulan. (Beth Camia)