HALOS magdadalawang linggo na magmula nang umusok sa galit si Sen. Richard “Dick” Gordon dahil sa pekeng intelligence report na isinumite sa kanyang komite ng tinaguriang “MATA” at “TENGA” ng Malacañang, ang tanggapan ng National Intelligence and Coordinating Agency (NICA), ay malakas pa rin ang bulung-bulungan sa gitna ng mga operatiba ng intelligence community.

Hindi mamatay-matay ang alingasngas, at sa halip ay naging tampulan pa ito ng kantiyawan at panlilibak sa mga ahente ng NICA, na mas pinalala pa ng mga alegasyong ang inaatupag daw kasing igawa ng report ay ang mga inila-liason na lang sa kanila ng mga kaibigang pulis na mga impormasyon na karamihan dito naman ay hinggil sa illegal gambling o ang “1602” sa lengguwahe ng mga operatiba.

Karamihan daw kasi sa mga ahenteng ito ng NICA, dahil sa pagtitipid, ay halos ayaw nang lumabas ng opisina nila kapag nakapag-report na kaya’t upang makaabot sa quota nilang intelligence report ay sinasalpakan na lang nila ito ng hinggil sa “1602” parati.

Isa lang daw ito sa mga dahilan kung bakit madalas nalulusutan ang NICA ng mga pekeng report, gaya nga nitong hinggil sa isang tunnel sa ilalim ng bundok sa Zambales na mayroon na raw nakatayong missile silos ng China. Matagal na itong pinagpipiyestahan sa Internet at marami nang nakaaalam na ito ay galing lamang sa isang satirical site na ang layunin ay magpatawa, ngunit nakalusot pa rin sa liderato ng NICA hanggang makarating sa Senado bilang isang intelligence report na may red covering na markado ng “CONFIDENTIAL”.

May hagdan ng mga tauhan ng NICA na dinaraanan ang isang report bago ito ituring na isang “A-1 intelligence report” kaya’t madaling matukoy kung sino ang may kasalanan dito. Ngunit para sa akin wala na itong saysay na alamin, sa halip ang dapat na pag-aksayahan ng panahon ay kung ano ang dapat na gawin para hindi na maulit ang kahihiyang tulad nito sa isang tinitingalang institusyon sa larangan ng paniniktik.

Teka muna, dahil nga pala rito, ay bigla ko tuloy nalaman na ang NICA ay nabuo lamang batay sa isang executive order, isa sa mga dahilan kaya medyo tagilid ang sinasabi nating propesyonalismo... sa hanay ng mga opisyal nito.

Dahil iniimbestigahan na rin naman ng Senado ang NICA, pag-aralan na rin sana nila ang posibleng pagsasabatas ng institusyong ito upang maiwasan ang paglalagay sa mga puwesto rito ng mga taong kulang sa kuwalipikasyon bilang isang dalubhasang maniniktik.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)