Iniimbestigahan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang naiulat na dahilan sa pagkahilo at pagsusuka ng nasa 70 katao matapos umanong malanghap ang masangsang at amoy-asupre na sumingaw mula sa mga bitak na bahagi ng nag-aalburotong Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Sinabi ng Phivolcs na aalamin nito kung sa mga vent ng bulkan nanggagaling ang naturang nakalalasong amoy, at kapag nakumpirma ay kaagad na gagawa ng kaukulang hakbangin ang ahensiya upang hindi na ito makaapekto iba pang mga residente sa lugar.

Naiulat na inirereklamo na ng mga residente ng Barangay Mapaso sa Irosin ang amoy-asupre na pinaniniwalaang nagmumula sa mga vent ng bulkan at sinasabing dahilan ng kanilang pagkahilo at pagsusuka.

Kaugnay nito, aabot naman sa 29 na pagyanig ng bulkan ang naitala sa nakalipas na 24 oras.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Ito ay kasunod ng pagbuga ng Bulusan ng puting usok na aabot sa 350 metro ang taas at ipinadpad sa hilagang kanlurang bahagi ng bulkan.

Ipinaiiral pa rin ng Phivolcs ang four-kilometer radius permanent danger zone at two-kilometer extended PDZ na nangangahulugan na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa nasabing lugar dahil na rin sa banta ng pagsabog at pagbuga ng abo at nakalalasong usok ng Bulusan. (ROMMEL P. TABBAD)