BUKOD sa mural ni Botong Francisco na nasa Philippine General Hospital (PGH) tungkol sa “Progress of Philippine Medicine”, may mga mural at painting din si Botong Francisco sa mga gusali ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at sa United Laboratory (UNILAB) sa Mandaluyong City. Ang mural ay may tinawag na “Bayanihan”, isang maganda at tanyag na kaugalian na simbolo ng pagtutulungan ng mga Pilipino. Sa simbahan naman ng Santo Domingo sa Quezon City makikita ang mural tungkol sa “Buhay at mga Milagro ni Saint Dominic”, ang nagtatag ng kongregasyon ng mga Dominican Congregation.

Ang mural ni Botong Francisco na itinuturing na kanyang masterpiece o obra ay ang nasa Bulwagang Gat Antonio Villegas (dating Bulwagang Katipunan) sa City Hall ng Maynila. Ang mural ay tungkol sa “The Filipino Struggles Through History” na may 10 panel.

Ipinagawa ang mural kay Botong Francisco noong 1964 ni dating Manila Mayor Antonio Villegas. Nang mailagay na ang mural sa City Hall ng Maynila, ang lugar na pinaglagyan ng mural ay tinawag na Bulwagang Katipunan. Ang mural na iginuhit sa canvas ay may 2.70 metrong taas at 79.40 metrong haba. Inilagay sa Bulwagang Katipunan noong 1968.

Ipinahayag ng Nationl Museum na ang mural ni Botong Francisco na isang NATIONAL TREASURE noong Abril 8, 1996.

Ang mural ni Botong Franciso na nasa Bulwagang Katipunan ng City Hall ng Maynila ay may replica in concrete form sa bakod na pader ng simbahan ng Angono sa Barangay Poblacion Itaas. Ang replica ng mural ay ginawa ng pintor-iskultor na si Alex Villaluz na taga-Angono, Rizal. Ang paglalagay ng bakod sa simbahan ng Angono ay pinayagan ni dating Bishop Gabriel Reyes, ng Diocese ng Antipolo, sa pamamagitan ng tulong nina Father Reynante Tolentino, Father Rodney Cruz, parish priest ng Angono; at Dr. Lilian Rivera, vice president ng Colegio de San Clemente.

Ang paglalagay ng replica ng mural ni Botong Francisco sa bakod na pader ng simbahan ng Angono ay magkatulong na proyekto ng Barangay Poblacion Itaas, sa pangunguna ni Barangay captain Arling B. Villamayor (naging board member ng unang distrito ng Rizal na ngayon ay konsehal ng Angono) at ng Liga ng mga Barangay sa Angono. Ang pondo ay mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal, sa pamamagitan ni Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at Angono Mayor Gerry Calderon.

Ang proyekto sa paglalagay ng replica ng mural ni Botong Francisco sa bakod na pader ng simbahan ng Angono ay tinawag na “A Tribute to Botong, The Man, The Artist. A Legacy to those who Appreciate Art in any Form”.

Sa ngayon, bukod sa mural na nasa bakod na pader ng simbahan ng Angono, ang mga painting at mural ni Botong Francisco ay may replica rin sa mga bakod na pader ng mga bahay sa Donya Aurora Street, Barangay Poblacion Itaas na naroon ang bahay na sinilanganan ni Botong Francisco at kanyang gallery. Ang mga replica ay nasa anyo ng mga relief sculpture na ginawa ng pintor at iskultor na si Charlie Anorico. May replica rin ang komposisyon na “Sa Ugoy ng Duyan” ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro. (Clemen Bautista)