Napagtripan umano ng anim na bata na matulog sa gitna ng riles na naging sanhi ng pagkamatay ng tatlo sa kanila, habang sugatan naman ang tatlo pa, matapos silang araruhin ng tren sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang dalawa sa tatlong nasawi na sina Andrea Regino, 13, ng 2995 Ramon Magsaysay Boulevard, corner M. Dela Fuente Street, Sampaloc, Maynila; Sandy Guillen, 13, ng 787 Jose Basa St., Tondo, habang kinikilala pa ang isa na tinatayang nasa edad 12 hanggang 13.

Samantala, sugatan naman sina Anthony de Mesa, 12, ng Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila, naputulan ng dalawang hita; Jennyrace Eugenio, 13, ng 1846 Prudencia St., Dagupan, Tondo, nagtamo ng pinsala sa ulo at kaliwang hita; at si Joshua Nepomuceno, 12, ng Geronimo St., Sampaloc, nagtamo ng sugat sa ulo at naputulan ng kaliwang kamay.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Richard Borbon, imbestigador ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), dakong 5:15 ng madaling araw nangyari ang aksidente sa south bound railway ng Philippine National Railways (PNR).

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Ayon kay John Ace Awitan, 15, kaibigan ng mga biktima, nakatuwaan umano ng mga biktima na magkakatabing matulog sa riles.

Gayunman, papadaan na ang unang biyahe sa madaling araw ng PNR na galing Tutuban at patungong Alabang at hindi nagising ang mga biktima hanggang sa tuluyang inararo ng tren na pinatatakbo ng mga train mechanic na sina Joel Bolo at Berjerio Suarez.

Nahaharap sina Bolo at Suarez sa kasong reckless imprudence resulting to multiple counts of homicide and multiple serious physical injuries. (MARY ANN SANTIAGO)