Arestado ang siyam na tauhan ng Land Transportation Office (LTO)-Caraga Region matapos masangkot sa umano’y pangingikil sa mga motorista sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Alubijid, Buenavista, Agusan del Norte nitong umaga ng Huwebes, Hunyo 18, 2026.
Ayon sa mga awtoridad, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng serye ng reklamo mula sa mga motorista at biyahero na umano’y hinihingan ng pera kapalit ng hindi pag-isyu ng tiket o paglabag sa batas trapiko sa mga isinasagawang checkpoint at inspection operation.
Batay sa paunang impormasyon, matagal nang nakararating sa LTO Central Office at mga law enforcement agency ang mga ulat hinggil sa umano’y iregularidad ng ilang personnel sa rehiyon.
Kabilang sa mga reklamong iniimbestigahan ang umano’y paniningil ng pera sa mga motorista na nahuhuli sa kalsada kapalit ng hindi pagsasampa ng kaukulang paglabag.
Sa isinagawang entrapment operation, nahuli umano ang mga suspek matapos tanggapin ang marked money na ginamit bilang ebidensiya sa operasyon.
Ikinatuwa naman ng ilang transport operators at motorista ang pagkakaaresto sa mga suspek. Ayon sa isa sa mga nagreklamo, nakaranas umano siya ng pangingikil noong Pebrero matapos siyang parahin sa isang operasyon at mapilitang magbigay ng ₱15,000 upang makaiwas sa umano’y problema sa kanyang dokumento.
Kasunod ng insidente, sinimulan na rin ng LTO ang sariling imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang sangkot sa umano’y iligal na gawain at kung anong administrative sanctions ang maaaring ipataw sa mga nahuling kawani.
Samantala, patuloy na inihahanda ng mga awtoridad ang mga kasong maaaring isampa laban sa siyam na suspek habang sinusuri ang mga nakalap na ebidensiya at mga testimonya ng mga complainant.
Pinaalalahanan din ng mga awtoridad ang publiko na agad iulat ang anumang uri ng pangingikil o pang-aabuso ng mga kawani ng gobyerno upang mapanagot ang mga sangkot at mapanatili ang integridad ng serbisyo publiko.