Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, Hunyo 18, na aabot na sa ₱40.265 milyong cash aid ang naipamahagi para sa mga apektadong pamilya at residente ng magnitude 7.8 lindol sa Mindanao kamakailan.
Batay sa ulat na ibinahagi ng DSWD, naibigay ang tulong-pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
“Patuloy po ang paghahatid ng kinakailangang tulong ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol, partikular na po sa General Santos City at iba pang bahagi ng SOCCSKSARGEN. Bukod sa mga relief supplies, patuloy din nating ipinagkakaloob ang AICS sa mga nangangailangang pamilya alinsunod sa isinagawang assessment at validation ng ating Quick Response Teams,” saad ni DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Asst. Secretary Irene Dumlao sa kaniyang pahayag.
“Sinisiguro po natin na ang mga pamilyang naapektuhan at sumailalim sa kinakailangang assessment at validation ay nabigyan na ng ahensya ng kaukulang assistance sa pamamagitan ng AICS upang makatulong sa kanilang agarang pangangailangan habang sila ay nagsisimulang makabangon mula sa epekto ng lindol,” dagdag pa niya.
Maliban sa cash aid, idiniin ng DSWD na nakapagbigay na rin ang kanilang departamento ng family food packs (FFPs), non-food items, at ready-to-eat-food (RTEF) boxes.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy po na nakaantabay ang DSWD upang matiyak na walang pamilyang naapektuhan ng kalamidad ang mapag-iiwanan ng tulong. Makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy po ang ating ahensya sa mabilis, maayos, at maagap na paghahatid ng tulong sa lahat ng mga nangangailangan,” ani Dumlao.
Paglilinaw ng DSWD, ang serbisyo at tulong ng departamento ay ipinamahagi sa mga apektadong residente nang may pagsunod sa protocol at alituntuning may kaugnayan sa disaster response.