Handa umanong sumailalim sa imbestigasyon ang siyam na sinibak na opisyal ng Manila Police District (MPD) kaugnay ng marahas na dispersal sa harapan ng US Embassy sa Ermita, Maynila nitong Miyerkules.

Nanindigan si Police Senior Supt. Marcelino Pedrozo, sinibak bilang deputy director for operations ng MPD nitong Huwebes, na ginampanan lamang nila ang kanilang tungkulin bilang mga pulis at tiniyak na sasagutin nila ang imbestigasyong isasagawa laban sa kanila.

“We will answer for any lapses. Talagang sasagutin naman po namin ‘yan, pero para po sa Manila Police District ginawa lang po namin kung ano po ang aming tungkulin,” aniya pa.

Iginiit pa ni Pedrozo na hindi nila intensiyong maging marahas ang dispersal sa libong raliyista na sumugod sa harapan ng US Embassy.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

Aniya pa, wala silang dalang armas at ang tanging dala lamang nila upang depensahan ang kanilang mga sarili laban sa mga raliyista ay mga shield at mga batuta.

“All of us, wala po kaming firearms, we’re just depending on our shield at batuta. Ang mga kalaban po namin may mga bato, may mga pamalo,” aniya pa.

Nagpaliwanag din naman si Pedrozo hinggil sa isang video kung saan ay nakuhanan siyang inaatasan ang kanyang mga tauhan na lumaban sa mga raliyista.

Ayon kay Pedrozo, “pep talk” lamang ang kanyang ginawa at binibigyan lamang niya ng instruction ang mga tauhan.

Aminado rin siya na nagulat at nagalit nang saktan ng mga raliyista ang mga babaeng pulis at sinira pa ng mga ito ang kanilang mga mobile car.

“Bilang supervisor, ang gusto ko po ma-encourage sila na talagang idepensa po ‘yon, i-maintain po yung peace and order. S’yempre bilang supervisor, gusto ko po na maiayos po ang aming hanay na hindi watak-watak dahil ang nangyari nga po talagang nabuwag ng mga raliyista,” dagdag pa niya.

Sa nasabing video na kumalat sa Internet, maririnig si Pedrozo na nagsasabing, “Wala man lang kayong hinuli, ang dami-dami niyan... Magkagulo na kung magkagulo, pulis tayo rito, eh. P’wede ba tayong patalo sa mga ‘yan? Anong mukhang ihaharap natin sa embassy? Kaya i-disperse mo ‘yan.”

Bukod sa pagkasibak maaari rin umanong sampahan si Pedrozo at mahigit 40 pulis ng kasong administratibo dahil sa insidente. (MARY ANN SANTIAGO)