Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kanyang mortal na kaaway sa Navotas City, nitong Huwebess ng gabi.
Patuloy na inoobserbahan sa ospital si Dennis Ecleo, 35, binata, ng No. 133 Pitong Gatang Street, Barangay Sipac Almacen ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mabilis namang tumakas ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Bunso”.
Ayon sa ulat, dakong 10:35 ng gabi nangyari ang pananaksak sa kahabaan ng Naval St., Bgy. NBBN, Navotas City.
Ayon kay Orlando Cunanan, kausap niya si Ecleo nang sumulpot ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Napag-alaman na mortal umanong kaaway ni Ecleo si Bunso at nitong nakaraang buwan ay nagsuntukan pa ang dalawa.
(Orly L. Barcala)