MARAHAS na binuwag ng mga pulis ang rally ng mga Lumad sa harap ng US. Embassy na naging sanhi ng pagkasugat ng 53 raliyista 10 pulis. Dahil dito, may ilang opisyal ng pulis ang sinibak sa puwesto. May ilang imbestigasyon na ang nakatutok sa nangyaring ito upang alamin ang puno’t dulo at kung sino ang dapat managot.
Para sa akin, ang pulis ang nagkamali rito hindi dahil sa binuwag nila nang marahas ang rally, kundi dahil ang rally ay humantong sa ganitong pangyayari. Paano naman kasi, mula’t sapul, sa tuwing may gaganaping rally sa harap ng U.S Embassy ay maraming pulis ang nakaantabay sa mga raliyista. Kung minsan nga, higit na marami ang pulis kaysa mga raliyista. Hindi pinalalapit ng mga pulis sa embassy ang mga nagra-rally. At hindi makalapit ang mga nagra-rally dahil sa harapan ng mga pulis ay may mga barikada.
Ang problema sa nangyaring rally kamakailan ay hindi na nga gaanong marami ang mga pulis, wala pa silang katulong na mga barikada. Pinalapit pa nila ang mga nagra-rally sa embassy, kaya nagawang hagisan ng pintura. Normal lang na gulo ang susunod na pangyayari kapag pinigil mo ito, na siyang ginawa ng mga pulis.
Sa isang banda, may pinagkukunan naman ang mga pulis kung bakit hindi sila naging mahigpit tulad ng dati. Nang mag-rally ang mga militanteng grupo sa Mendiola, bukod sa kaunti ang mga pulis, walang mga nakahambalang na brikada para proteksiyunan ang Malacañang. Pinapasok pa nga ni Pangulong Digong ang mga nagra-rally. Eh, ang mga militanteng grupong ito ay silang mga kasama ng mga Lumad sa rally sa U.S. Embassy.
Pero iba si Pangulong Digong sa U.S. Embassy. Kaalyado na at pilit na kinakaalyado ng Pangulo ang mga grupong sumasalungat sa gobyerno. Ito ang ginagawa niya ngayon sa mga rebeldeng komunista, MILF at MNLF. “Pilipino tayo,” wika ng Pangulo, “hindi tayo dapat magpatayan sa ating bansa.”
Sa kabilang dako, kumalas na ang Pangulo sa Amerika. Inanunsiyo niya ito nang pormal sa pulong na naganap sa China sa panahong naganap naman dito sa ating bansa ang marahas na rally.
Nauna na rito, maingay na niyang ipinaalam ang galit niya sa Amerika dahil sa pakikialam nito sa kanyang pakikidigma laban sa ilegal na droga. Kaya, kung paano maghihigpit ang mga pulis sa mga rally, ang isyu ay sino at kanino laban ang mga magra-rally. (Ric Valmonte)